DUDA ang dating Department of Agriculture (DA) Secretary na si Leonardo Montemayor sa ipinagmamalaking programa ng administrasyong Marcos Jr. na P20 na bigas!
Ayon sa kaniya, hindi na bago ang ganitong uri ng anunsiyo mula sa gobyerno—dahil sa dami ng proyektong inilunsad ng DA sa mga nakalipas na taon, halos lahat ay bigong magtagal.
Karaniwan, nagsisimula ito sa engrandeng pangako pero nauuwi rin sa pagkadismaya, dahil kapos sa konkretong resulta at tunay na benepisyo para sa mga mamamayan.
“How long tatagal ang ayudang ito at kung itotodo nila lalong-lalo na hindi lang buong Visayas at buong Pilipinas. May sapat bang budget ang gobyerno natin para alam mo na para masagot subsidy requirement. Ang feeling ko baka hindi ganon kahaba ang pisi ng national government. Baka, hindi tumagal ito at baka hindi po makayanan na i-cover ang buong Pilipinas,” ayon kay Leonardo Montemayor, Former DA Secretary & Chairman, FFF.
Dagdag pa ng dating opisyal, kung totoo ang layunin ng gobyerno na pababain ang presyo ng bigas, bakit patuloy pa rin umano ang pag-angkat nito mula sa ibang bansa?
Sa kasalukuyang kalagayan ng mga lokal na magsasaka, marami na aniya ang nalulugi, nalulubog sa utang, at sa kabila nito’y nananatiling mababa ang kita.
Hindi na aniya siya nagulat sa naging pahayag ni DA Secretary Laurel na posibleng pumalo sa P12B ang lugi ng gobyerno dahil sa nasabing programa.
Anya, hindi lang sa subsidiya lugi ang gobyerno. Bilyong pisong pondo rin aniya ang nawala na sana’y napakinabangan ng mga magsasaka, kasunod ng pagbaba ng taripa sa imported agricultural products—lalo na sa bigas.
“Kasi alam naman natin and mismo siya ay inamin niya ay mali talaga ‘yung subsidy o lugi ng gobyerno natin sa bawat kilo na ibebenta ng National Food Authority na P20… So, well I’m not surprise na malaki talaga,” giit ni Montemayor.
Kung siya aniya ang tatanungin, kulang na kulang ang pondong inilaan ng gobyerno mula sa contingency fund ni Pangulong Bongbong Marcos Jr.
“So, tama kayo baka kulang ‘yung P4.5 billion na inisyal budget na inilaan po ng Presidente in order to cover the rest of the Visayas baka nga hindi umabot ng December,” aniya pa.
COMELEC: Pagbebenta ng P20 bigas ng DA, ititigil sa halalan; puwedeng mabahiran ng politika
Gayunpaman, iniulat ni Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia na exempted sa 10 araw na ayuda ban ang pagbebenta ng P20 na bigas ng DA sa pamamagitan ng kanilang mga Kadiwa outlet.
Paliwanag ni Garcia, awtomatikong binibigyang exemption ng COMELEC ang mga regular na programa ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Kadiwa ng DA.
Ngunit hindi aniya ito nangangahulugan na pinapayagan din ang mga lokal na pamahalaan na magbenta ng P20 na bigas nang walang pahintulot mula sa komisyon.
May payo naman si Garcia upang maiwasang mabahiran ng isyu ng pamumulitika ang P20 na bigas.
“Pero ako po may suggestion tutal sampung araw naman po ‘yun. Kung magbebenta sila… ng mas mura ay okay na ‘yun nag-rollout na. Sunod na rollout ay after the election para hindi naman masabi na ito ay ginagamit sa pamumulitika,” wika ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.
Sa panig naman ng Department of Agriculture (DA), posibleng pansamantalang matigil ang pagbebenta ng P20 na bigas at maipagpatuloy na lamang pagkatapos ng halalan.
Sa text message ni Laurel sa SMNI News, sinabi niyang sa Mayo 1 ay sa Cebu City na lamang magkakaroon ng Kadiwa booth para dito, at ipagpapatuloy na lamang muli ang programa matapos ang halalan.
“We will sell sa Kadiwa sa Cebu site only by booth. Puwede kami mag sell sa May 1 only then stop,” ayon kay Sec. Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture (DA).