WALA pa sa endemic stage ang Pilipinas sa laban kontra COVID-19 kahit patuloy ang downward trend ng hawaan ng virus sa bansa ayon sa dating kalihim ng Department of Health (DOH).
Sa Ugnayan sa Batasan Forum nitong Lunes ay nilinaw ni dating Health Secretary Janette Garin na wala pa sa endemic stage ang bansa kontra COVID-19.
‘Endemic’ ang tawag kapag ang isang virus o sakit ay laganap lamang sa mga partikular na lugar at hindi sa buong mundo.
Ang COVID-19, pandemya ang tawag dahil apektado nito ang lahat ng lugar sa mundo.
“I would say we still have a lot of unknowns kasi patuloy pa rin na nagmu-mutate, nagkakaroon ng sub-omicron variants,” pahayag ni Garin.
Diin pa ng mambabatas, dapat maturukan ng second generation COVID vaccines ang ‘majority population’ bago masabi na nasa endemic phase na ang infection rate.
“Until we have a sufficient number of the population na nagkakaroon ng access don sa bivalent o yung 2nd generation covid vaccine, siguro doon mo makikita ang endemicacy,” ani Garin.
Saad pa ni Garin na ang mainam ngayon ay may malalim nang karanasan ang health sector na tugunan ang nagkaka-COVID lalo na yung mga senior citizen at may comorbidity.
Mungkahi naman ng dating Health chief na ‘yung mga may sintomas na lamang ang isalang sa COVID test at yung mga mild lamang ang COVID-19 ay pwede na ring hindi isalang sa test.
Giit naman ni Garin na hindi gaanong kalakihan ang budget para sa COVID vaccines sa ilalim ng 2023 national budget.
Bagay na kanilang hihimayin sa budget deliberations.
“So ang pananaw ko kapag ang 2nd generation vaccines and that is the 2nd generation vaccines andoon yung original na bakuna, dinagdagan ng Omicron specific na bakuna once that’s available for our people at natumbok yung 70% man lang na magkaroon noon and we would see a drastic reduction in breakthrough infection kasi yan ang nakita doon sa trial eh. The reduction in breakthrough infections was peg at around 80%. So if that happens in a macro population implementation then we can say that we can very successfully live in COVID,” ayon kay Garin.
Nakikita naman ng kongresista na mangyayari ang senaryong iyon sa dulo ng taong 2022.