HINATULAN ng mahigit 300 taong pagkakakulong ang ilang dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ang mga kaso ng graft at estafa laban sa kanila ay nag-ugat sa pekeng pagpapa-repair nila ng service vehicles ng ahensiya noong 2000 hanggang 2001.
Sa isang 122-pahinang desisyon na inilabas ng Sandiganbayan Seventh Division nitong Marso 14, 2025, ang mga dating opisyal na hinatulan ay sina DPWH Assistant Director Florendo Arias, DPWH Supply Officer Napoleon Anas, DPWH Accountant Rogelio Beray, Fiscal Controller Ricardo Juan, at Supply Officer Mirope Fronda.
Kasama rin sa mga nahatulan ang private respondents na sina Janette Bugayong at Victoria Maniego-Go.
Taong 2013 nang isinampa ng Office of the Ombudsman ang mga kaso kaugnay sa ghost repairs at mga pekeng pagbili ng piyesa ng sasakyan.
Sa imbestigasyon ng Ombudsman, nasa 4,406 na tseke na nagkakahalaga ng P82.322M ang inilabas na pondo bilang bayad dito.