Dating Gov. Chavit Singson, personal na nag-sorry sa MMDA; P200-K na donasyon, inabot sa ahensiya

Dating Gov. Chavit Singson, personal na nag-sorry sa MMDA; P200-K na donasyon, inabot sa ahensiya

PERSONAL na dumalo si dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson sa flag ceremony ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes.

Nagpublic-apology si Singson matapos suwayin ang EDSA Bus Lane Policy noong nakaraang linggo.

“Nandito ako para humingi ng apology to show and tell to everyone of you that nobody is above the law. So bawal po ‘yun. Bawal tularan, nagrarason, nagtatago. Ako inaamin ko kasalanan ko,” saad ni Chavit Singson, Dating Ilocos Sur Governor.

Binayaran ni Singson ang tig-P5,000 multa sa pagdaan sa EDSA busway ng dalawang sasakyan na kasama sa kaniyang convoy.

Bukod sa multa, nagbigay rin si Singson ng P200,000 na donasyon sa MMDA.

Sinabi ni MMDA Acting Chairman Romando Artes, mapupunta ang nasabing pera sa General Funds ng ahensya.

Pagtanggap ng MMDA sa P200-K na donasyon mula kay Chavit Singson, pinuna ng CSC

Pero pinuna ng Civil Service Commission (CSC) ang pagtanggap ng MMDA sa donasyon at sinabing hindi anila ito pwedeng tanggapin ng ahensiya.

Ayon kay CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada tanging ang Department of Budget and Management lang ang puwedeng magdeposito sa General Funds ng mga ahensiya ng gobyerno.

Dagdag pa ni Lizada, bawal ang pagtanggap ng pera batay sa Section 7 ng Republic Act 6713 na kilala bilang “Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.”

“I would like to stress this why? Maganda siguro ‘yung intention niya baka hindi lang po alam noong official po na mayroon tayong Batas na ganito. Because try to imagine kung marami pong magvi-violate and magbibigay po sila ng pera kasi nagpapasalamat dahil hinuli sila at ang gagawin ay ide-deposit sa GF (General Funds). So, try to imagine there will be now another source of money coming in na dapat pong hindi. Kasi sila po ay bayad na. Mga enforcers, bayad na po sila ng tao. Bayad na po kami ang aming sweldo ng taumbayan. And you do not have to reward us for doing our work.”

“Sa pananaw ko po, I used to be with the Office of the Ombudsman sa Batas 6713 bawal po,” wika ni Atty. Aileen Lizada, Commissioner, Civil Service Commission.

MMDA, dinepensahan ang pagtanggap ng P200-K na donasyon mula kay Chavit Singson

Pero paliwanag ni Artes sa isang text sa SMNI News na may income retention ang MMDA kaya pwede aniya silang tumanggap ng donasyon.

“May income retention po kami. So pwede po kami tumanggap ng donation,” tugon ni Atty. Romando Artes, Acting Chairman, MMDA.

Dagdag pa ng opisyal na walang kaibahan ang P200,000 ni Singson sa mga tinanggap na donasyon ng MMDA para sa Motorcycle Academy at rehabilitation project sa Pasig River.

“Sa amin pong palagay, wala naman pong conflict of interest doon. So long as wala po kaming ginigive-up at walang special treatment sa kahit sino pong magdodonate dito sa aming ahensya,” dagdag ni Artes.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter