TINUTUTULAN ni dating House Speaker at ngayon ay Davao del Norte 1st District Rep. Pantaleon Alvarez ang pagpatalsik kay dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnie Teves sa Kamara.
Sa sulat ni Alvarez kay House Majority Leader at Committee on Rules Rep. Manuel Jose Dalipe, muling binigyang-diin ni Alvarez ang kaniyang botong ‘No’ laban sa adoption ng Committee on Ethics and Privilege Report No. 717 hinggil sa expulsion ni Teves.
Matatandaan na matapos ang pagtalaga ng Anti-Terrorism Council kay Teves at sa iba pang indibidwal bilang terorista, agad na nagpahayag ang Kamara ng posibleng pagpatalsik sa mambabatas.
Dalawang beses na rin sinuspinde ng Mababang Kapulungan si Teves matapos itong magmatigas na umuwi ng bansa sa kabila ng pag-expire ng inaprubahang leave of absence niya sa Kamara.
Paulit-ulit namang ipinaliwanag ni Teves na hindi ito uuwi ng Pilipinas dahil sa pangamba sa kaniyang kaligtasan matapos na iturong mastermind sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo noong Marso.