PERSONAL na humingi ng tawad ang isang dating kadre ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) na si Ka Peter Mutoc sa pamilya Marcos.
Dahilan upang naging emosyunal si Senador Imee Marcos sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law.
Ang nasabing kadre ay sobrang 30 taon nang nagtatago at ngayon lamang lumantad sa publiko.
Si Ka Peter ay naging instrumento sa pagbagsak sa administrasyon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. bilang aktibong miyembro at pinuno ng makakaliwang grupo.
“Eto ha, gagawin ko ha, ang tatanda na natin, ang tatanga pa rin natin. Sabi ko hanggang ngayon we are living lives of deceit. At yung mga bata patuloy pa rin nare-recruit. Napapanood ko sa SMNI yung mga magulang umiiyak. Sabi nya paano maging masaya kung ang anak mo ay nasa kabundukan. Paano kung makatatangap ako ng text na ang anak ko ay patay na? I am 73 years old. I am a senior citizen. At this age I have still my own problem sa mga ganyan. Dapat matigil na, pasensya na po kayo. Pasensya na po kayo,” pahayag ni Mutoc.
Si Ka Peter ay witness sa aniya’y conspiracy na ginawa ng makakaliwang grupo at pangkat ni noo’y Senador Ninoy Aquino upang sirain ang imahe ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr.
Makailang beses siyang pinalilitaw upang magbigay ng testimonya ngunit lagi niya itong tinatanggihan.
“Gusto kong balikan bakit di ako natuloy mag-testify na pinatawag ni Sen. Salongga. Kasi kinausap si Senator Salongga. Ang bilin ni Senator Salongga during the Senate hearing wag ninyong banggitin ang pangalan ni Ninoy Aquino. Yan ang bilin ni President Cory. Hindi po tsismis yan. May magpapatunay dito sa sinabi ko, buhay,” ayon kay Mutoc.
Ang paghingi ng tawad ni Peter Mutoc sa pamilya Marcos ay mainit na tinanggap ni Senadora Imee.
Nagbigay pa ng bracelet ang panganay na anak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa mga dating kadre ng mga NPA bilang tanda ng pagtanggap at pakikinig sa kanilang mga saloobin.
Sa kanyang speech, nais din nito na magbigay ng total amnesty para sa lahat ng mga nais magbalik-loob sa pamahalaan at sa mga nagkudeta sa kanyang ama panahon ng Martial Law.
“At tulad sa sinabi ng aking ama, simulan na rin natin ang usapin ng pagpapatawad ng pamahalaan. Ngayon na ang panahon na umpisahan ang total amnesty, makakaliwa man at pati na rin ang kanang hanay na nagkudeta at iba pa. Sapagkat ang pagpapatawad ang umpisa ng pagkakaisa. Unawain natin ang isa’t isa sapagkat sa puno’t dulo ang bawat isa sa atin ay Pilipino at Pilipino lamang,” pahayag ni Sen. Imee Marcos.
Ginawa ni Senator Imee ang deklarasyon sa ika-50 anibersaryo ng Martial Law matapos ang patotoo at pahayag ng mga dating opisyal na sangkot sa martial law na itinanggi ang mga kwento-kwentong pinaniniwalaan ng iilan mula noon hanggang ngayon.
Kabilang sa mga naroon ay sina Presidential Chief Legal Counsel Juan Ponce Enrile, dating Senador Gringo Honasan at Kit Tatad, retired General Thompson Lantion, retired Col. Ariel Querubin at marami pang iba.
Ipinunto nila na nagdeklara ng Martial Law noon upang mapanatili ang peace and order sa bansa.
Kaugnay sa mga pangyayari inilahad naman ng mga dating kadre ng CPP-NPA-NDF, na kasama ang mga dating miyembro ng makakaliwa na bubuo sila ng pangkat na may layuning iwasto ang mga maling impormasyon sa kasaysayan ng Martial Law.
“Yung pagsisinungaling sa Martial Law ay isang historical distortion na kinakapital ng political opposition at pati na ng CPP-NPA-NDF para maikubli ang historical conspiracy. Yung sabwatan ng CPP-NPA-NDF sa isang seksyon ng oligarkiya na noon ay naging kalaban ni late Ferdinand Marcos. Yun ang papel ni Ninoy Aquino,” pahayag ni Eric Celis, dating CPP-NPA kadre.