Dating kalihim ng DA, nababahala sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa

Dating kalihim ng DA, nababahala sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa

NABABAHALA sa pagbaha ng imported na bigas sa bansa ang dating kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Tila pasanin na sa mga nasa sektor ng agrikultura ang ginagawang hakbang ng administrasyong Marcos.

Ang ipinangakong pagpapalago kasi sa naturang sektor ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., taliwas sa nangyayari ngayon.

Sa katunayan, batay sa datos ng Bureau of Plant Industry (BPI) ng Department of Agriculture (DA) mas lumubo pa ang inangkat na bigas ng Pilipinas mula Enero hanggang Mayo ng taon.

Pumalo ito sa 2.12 million metric tons kumpara noong nakaraang taon na nasa 1.64 million metric tons lamang.

Pero, paliwanag ni Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel de Mesa, ito ay para abatan lamang ang posibleng kakulangan ng bigas sa bansa.

“Noong nagkaroon ng possibility ng strong El Niño ay nagkaroon ng pag-uusap sa mga importers na magpasok para sigurado na kahit magka-El Niño ay magkaroon ng sapat na bigas,” pahayag ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.

Pero, nababahala ang dating kalihim ng kagawaran ng pagsasaka at ngayo’y Chairman ng Federation of Free Farmers (FFF) sa pagbaha ng imported na bigas sa merkado.

Kung mas papaboran pa ng administrasyong Marcos ang mga negosyante o importer ay maaaring mawalan na ng gana ang mga lokal na magsasaka.

“Tuwing dumadami nang husto ‘yung papasok na bigas mula sa ibang bansa, siyempre ang tendency ay magpapababa po ng presyo ng ating palay,” pahayag ni Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.

Para kasi sa former DA Chief, kung lalala pa ang importasyon sa bansa ay malabo nang maabot ang sinasabing food security ng administrasyon.

“Mas lalong tayong malalagay sa alanganin, siyempre,” ayon pa kay Montemayor.

Dudulog sa Korte Suprema para sa implementasyon ng 15% taripa sa imported rice

Kaya ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay dudulog sa Korte Supreme para humingi ng Temporary Restraining Order (TRO) sa implementasyon ng 15% na taripa sa imported agri products tulad ng bigas.

Ayon kay Rosendo So, chairman ng SINAG, ito ay kung maglalabas ng executive order ang Pangulo sa pagpapatupad nito.

Hindi kasi aniya ito dumaan sa tamang proseso, dahil walang nangyaring konsultasyon sa pagitan ng mga nasa sektor.

“Kung walang session ang Kongreso, Senate at tsaka Congress, ang procedure ay ang Executive Department puwedeng gumawa ng consultation sa importers, sa producers, sa farmers sa DA. Tapos, ang mangyayari magse-set ang Tariff Commission ng magca-call ang Tariff Commission ng meeting para at least mag-attend ‘yung petitioner at tsaka ‘yung mga gusto maghain ng affidavit … Pero, ang nangyari ay walang nangyaring consultations sa baba,” wika ni Engr. Rosendo So, Chairman, SINAG.

PCAFI: magkikilos-protesta, dahil sa 15% taripa sa imported bigas

Sa oras naman na hindi pakikinggan ng Pangulo ang hinaing ng mga nasa sektor ay asahan na magkakaroon kilos-protesta hinggil dito.

“’Yun ang mga gagawin so those are the moves. Tapos, susulat sa Presidente … Nagsama-sama kami sa paniniwala na mali ‘yung tariff reduction,” ayon kay Danilo Fausto, President, PCAFI.

NEDA Sec. Balisacan, walang puso para sa mga magsasaka—FFF

Kaya, nais ng mga agricultural groups na magbitiw na lamang bilang kalihim si NEDA Secretary Arsenio Balisacan.

Hindi kasi maganda ang pinapayo ng NEDA Chief sa Pangulo at wala ring pagmamahal sa mga magsasaka.

“Hindi lang ito ang unang beses na kumbaga anti-farmer ‘yung ganong recommendations. Naalala niyo, there was a time gusto pa nga niya zero taripa.”

“Very theoretical ‘yung approach nila at tsaka wala na silang ibang ma-isip puros importations na lang. Kaya, ganyan isip nila na babaan na lang ang taripa kahit na may tatamaan,” dagdag ni Montemayor.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble