MULING lumitaw sa publiko sa New York si Pita Limjaroenrat, dating Move Forward Party leader kasunod ng nakatakda nitong pagdalo sa isang Gala dinner na may temang ‘a leader defining the next generation of leadership.
Matapos ang pagbaba sa puwesto sa partido noong Setyembre ay hindi na muling nagpakita sa publiko si Pita Limjaroenrat.
Pero nito lamang kamakailan ay nag-post ito ng kaniyang mga larawan sa New York sa kaniyang Instagram account na nakatanggap naman ng daan-daang likes and comments.
Sa mga larawan ay makikita siyang sumasakay sa isang New York Subway, naglalakad sa New York Street at nakatayo sa may Times Square, araw ng Martes sa New York ay dadalo si Pita sa isang Gala dinner na pinangunahan ng Time Magazine.
Si Pita na muntik nang maging ika-30 Punong Ministro ng Thailand ay ang tanging Thai na nailista ng U.S. based magazine bilang isa sa mga lider na pinaniniwalaan nilang kayang baguhin ang hinaharap.
Bibisita rin si Pita sa Buddha Thai Thavorn Vanaram Temple at posibleng makipagkita sa mga Thai.
Sa susunod na araw ay nakatakda naman itong magbigay ng lecture sa Harvard University na pinamagatang ‘‘Moving Forward: Thailand, ASEAN and beyond’’.
Nakatakda ring makipag-usap si Pita sa mga akademiko, mga manunulat, mga negosyante at Thai na nagtra-trabaho sa creative industries.