SA pinakahuli nitong vlog ay pinuna ni former Presidential Spokesman Harry Roque ang tinawag niyang pag-balentong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa iba’t ibang issue sa bansa.
Partikular na sa usapin ng kooperasyon ng Pilipinas sa International Criminal Court (ICC), Charter Change (Cha-Cha), pakikitungo sa China at peace talks sa mga terorista.
Ayon kay Roque, nasa Malacañang siya noong nakaraang taon nang manindigan si Pangulong Marcos laban sa ICC na sinuportahan naman ng pahayag ni Justice Secretary Boying Remulla.
Ngunit, nito lamang huli, sinabi ni Pangulong Marcos na pinag-aaralan ng punong ehekutibo ang pagsali uli ng Pilipinas sa ICC.
“Of course, sasabihin ng marami, tao lang si PBBM kaya pwede siyang bumalentong. Pero unang-una po ha, ang bilis ng pagbabalentong. Sa ICC, sa pitong buwan, naka-balentong siya dalawang beses. Walang jurisdiction, pag-aaralan ang ICC, sinabi ni Remulla huhulihin pag-pumasok tapos papapasukin at magko-cooperate tapos ngayon hindi na naman magko-cooperate,” ayon kay Atty. Harry Roque, Former Presidential Spokesman.
Crucial ang ICC dahil pinaaaresto nito si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil sa drug war.
Si Dating Pangulong Duterte ang natatanging presidente ng Pilipinas na lubhang mataas ang trust and approval rating sa pagbaba nito sa puwesto, palatandaan ng suporta rito ng taumbayan.
Pinuna rin Atty. Roque ang pabago-bagong pahayag ng Presidente sa Charter Change o Cha-Cha na noong una ay si Pangulong Marcos mismo ang nagpahayag na hindi ito prayoridad.
“Sa Charter Change, isang taon pwede ba naman ‘yung your both against, not a priority and now is a priority? Isang taon lang po ang nakalipas,” ani Roque.
Nakakahilo rin ani Roque ang peace negotiations ng gobyerno sa mga kalaban ng estado.
November 2023 nang magkaroon ng kasunduan ang Communist Party of The Philipines (CPP) at National Democratic Front (NDF) sa Philippine Government sa Oslo, Norway para ihinto na ang armed conflict sa bansa.
Pero, pagkatapos noon ay sunud-sunod na ang mga pag-atake at paghahasik ng lagim ng NPA.
“At sa CPP-NPA, anim na buwan lang? ang nakalipas bumalentong na,” saad ni Roque.
“Mantakin ninyo? Isang teroristang grupo na binansagan nating terorista makikipag-peace talks tayo? Helloooo? Balentong na naman!” dagdag pa nito.
Pinaka-crucial naman ani Roque sa mga pabago-bagong desisyon ng punong ehekutibo ay ang pakikitungo nito sa China.
“Noong siya po ay nahalal, Hunyo, anong sabi niya? China si Philippines’ strongest partner. Oh di ba? Eh ilang buwan lang ang nakalipas, ito po’y Pebrero 2023, PBBM hailed for stance vs China. Sabi ni PBBM hindi patitinag sa Chinese bullying sa West Philippine Sea,” saad pa nito.
Sa huli, nanindigan naman si Roque na sana’y magkaroon ng kasulatan si Pangulong Marcos laban sa ICC dahil mabilis lamang aniya bawiin ang mga salita kapag nagkaipitan.
Nauna namang sinabi ng Philippine National Police (PNP), Office of the Solicitor General (OSG) at iba pang law enforcement agencies na hindi nila ii-enforce kung magse-serve ng warrant of arrest ang ICC laban sa mga Duterte.
“Kung magbago na naman si Presidente ng isip at sabihin okay napakagulo niyan at magde-destab yang mag-amang Duterte na ‘yan, oh sige pahuli na ‘yan… Tatawagan lang niya ang isang gabinete, ‘yung gabinete tatawagan agad mataas na opisyal ng PNP, arestuhin na ‘yan,” paliwanag pa nito.