Dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. kinilala ang kontribusyon nito sa usaping pangkapayapaan sa bansa

Dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. kinilala ang kontribusyon nito sa usaping pangkapayapaan sa bansa

SA pagtatapos ng pagdiriwang ng National Consciousness Month ngayong taon, isa si dating Pangulong Ferdinand Edralin Marcos, Sr. sa mga ginawaran ng citation ng pamahalaan dahil sa kontribusyon nito sa usaping pangkapayapaan sa bansa.

Sa himlayan ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, opisyal na nagtapos ang pagdiriwang ng National Peace Consciousness Month ngayong taon.

Pinangunahan ito ni Presidential Adviser on Peace Process, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito G. Galvez, jr.

Kasama rin sa programa ang pagkilala at pagbibigay-pugay sa ilang mga naging pangulo ng bansa na naging susi sa pagtataguyod ng mapayapaang pagpapalitan ng pananaw upang matigil na ang karahasan at kaguluhan sa bansa dulot ng mga kalaban ng estado partikular na sa Communist Party of the Philippines-New People’s Party-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa katunayan, ayon sa dating miyembro ng CPP-NPA-NDF, at ngayo’y co-chairperson ng Joint Enforcement and Monitoring Committee (JEMC) Veronica Tabara, aminado siyang matagal silang naging bulag at sarado ang isip para kilalanin ang noo’y Marcos administration.

Pero kalauna’y naramdaman nila ang sinseridad ni dating Pangulong Marcos para tuluyang matuldukan na ang hidwaan ng dalawang panig lalo na mga komunistang teroristang kilusan sa bansa.

Malaki rin ang pasasalamat ng kanilang grupo mula kay Pangulong Marcos, Sr. hanggang sa kasalukuyang administrasyon na nabigyan ang mga kagaya nilang magsasaka at ordinaryong mamamayan na makapamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mahal sa buhay.

Samantala, para kay MNLF Chairman Nur Misuari na kilala bilang isang paksiyon na kontra sa gobyerno noon, nagpalasamat din kay dating Pangulong Marcos matapos nitong pangunahan ang pansamantalang usapang pangkapayapaan sa kanilang hanay hanggang sa tuluyan na silang naging bahagi ng pamahalaan.

Bukod kay Apo Lakay, ilan sa mga kinilala ng OPARRU ang mga dating pangulo ng bansa na sina: Corazon Aquino, Fidel V. Ramos, at Elpidio Quirino.

Kasama rin sina former Senator Benigno Aquino, Sr., former COMELEC Chairperson Haydee Yorac, Former AFP Chief of Staff at Cabinet Secretary Manuel Yan.

Sa huli, naniniwala ang pamahalaan na hindi na malayo na matapos na ang natitira pang problema sa usaping pangkapayapaan sa bansa mula sa mga natitira pang kalaban ng estado sa ilalim ng maayos na pakikipag-usap na hindi kinakailangan ang dahas para makamit ang inaasam na kapayapaan sa bansa.

Umaasa ang pamahalaan sa bagong henerasyon ngayon na marami ang mga natutunan ng mga ito mula sa sinasabing mga pagkakamali ng nakaraang at tahakin na lamang ang bagong bukas ng kasalukuyan.

Follow SMNI NEWS in Twitter