BINIGYAN ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ng huling pagpupugay si dating Pangulong Fidel Ramos sa pagtatapos ng 30-araw na pagluluksa sa pagpanaw nito.
Pinangunahan ni AFP chief of staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro ang seremonya sa AFP General Headquarters na sabay-sabay ring ginanap sa punong-tanggapan ng Major Services, Unified Commands, at Philippine Military Academy.
Tatlong volley ang pinaputok kahapon ng alas-4:30 ng hapon bilang parangal kay Ramos na sinundan ng pag-alis ng itim na mourning bands at pagbaba ng watawat.
Sa mensahe ni Bacarro, inalala nito ang mga nagawa ni Ramos bilang military officer at public servant lalo na sa pagkamit ng pangmatagalang kapayapaan.
Tiniyak din nito na ipagpapatuloy nila ang mga nagawa ni Ramos para sa isang tunay na nagkakaisa at progresibong bansa.