PUMANAW na ngayonr araw sa edad 61 taong gulang si dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Kaninang umaga ng isinugod ang dating pangulo sa Capitol Medical Center sa Quezon City.
Kabilang din sa mga nagtungo sa ospital ang kapatid nitong si Kris Aquino at ilang dating miyembro ng gabinete nito.
Sa ngayon wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang pamilya Aquino hinggil sa naging sanhi ng pagkamatay ng dating pangulo.
Si Pnoy ay anak nina dating Senador Ninoy Aquino at dating Pangulong Corazon Aquino.
Bago naman itong nahalal bilang pangulo ng bansa noong 2010 hanggang 2016 ay nagsilbi ito bilang senador noong 2007 hanggang 2010 at kongresman ng ikawalang distrito ng Tarlac mula noong 1998 hanggang 2007.
Pakikiramay sa pagpanaw ni Dating Pang. Aquino, bumuhos
Bumuhos ang pakikiramay mula sa dati at kasalukuyang mga opisyal ng gobyerno at iba pang personalidad sa pagpanaw ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.
Kabilang sa nagpaabot ng pakikiramay si Vice President Leni Robredo kung saan inilarawan nito si Aquino bilang mabuting kaibigan, tapat na pangulo at tahimik at walang pagod na nagtrabaho para makatulong sa marami.
Labis rin na ikinalulungkot ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. ang pagpanaw ni Aquino na tinawag nitong “incorruptible.”
Nagdadalamhati rin sa pagpanaw ng dating pangulo si Court Associate Justice Marvic Leonen na naging chief peace negotiator sa ilalim ng Aquino Administration.
Nakiisa rin ang Davao City local government unit sa pagluluksa ng bansa sa pagpanaw ng ika-15 pangulo ng Pilipinas.
Nagpaabot din ng pakikiramay si Defense Sec. Delfin Lorenzana at kinilala ang mga kontribusyon ni Pnoy sa sandatahang lakas kasunod ng pagkasawi ng dating pangulo.
Kanya-kanya ring pagpapahayag ng pakikiramay ang mga dati at kasalukuyang mga senador, kongresista at mga alkalde at inalala ang mga mabubuting nagawa ni Aquino.
Maging ang Palasyo ay nagpaabot rin ng pakikiramay sa pagpanaw ng dating pangulo.