NAPAMURA si Senator Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa aniya’y pagsisinungaling ni Wilfredo Gonzalez, ang dating police na sangkot sa road rage incident na viral kamakailan sa social media.
“Pag nagsuot ka ng gloves na may hard knuckles na siklista ka, para kang g**o. Magbisikleta ka naka hard knuckles? Hindi mo naman kailangan. Pang-motor ‘yan,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, Chair, Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ay paulit-ulit na pinanindigan ni Gonzalez na kasalanan ng siklista kung bakit siya nagalit.
“Your honor, hindi ako nagsisinungaling. May mga nakakita na ibang tao ‘dun na baka ho ‘nung bago ko siya abutan ay tinanggal na niya po dahil yupi nga ang kotse ko po. Hindi po mayuyupi nang bare hands lang po,” ayon kay Wilfredo Gonzalez, dating police.
Sa kaniyang testimonya, sinabi ni Gonzales na nayupi ang kaniyang sasakyang Sedan matapos itong tinapik ng siklistang si Allan Bandiola gamit ang isang glove na may matigas na plastic knuckles.
Minura din umano siya ni Bandiola at ito aniya ang mas nagpainit ng kaniyang ulo.
“Yun po ang nagpainit ng ulo ko dahil ‘nung pagbalik ko po sa kaniya ‘nung mura habang nakatayo ako, ang ginawa niya po ay sinuntok niya ang bubong ng kotse ko na naka-gwantes po siya ng pang motorsiklo ng knuckles na plastic, yupi naman po. Kita naman po ng mga imbestigador eh,” dagdag ni Gonzalez.
Pero sa iprinisentang video ni Senator JV Ejercito ay kitang-kita na walang suot na gloves si Bandiola.
“Yan po ‘yan ‘yung close-up image. Parang wala naman siyang. May suot ka ba noon na gloves mister Bandiola?” ani Sen. JV Ejercito.
“Mr. Gonzales, this picture won’t lie. Wala siyang suot na gloves. Ikaw pa ang gumagawa ng storya na siya’y may suot suot na gloves na may hard knuckles,” dagdag ni Sen. Dela Rosa.
Sa patuloy na pagpapaliwanag ni Gonzalez ay tiniyak pa niya sa ngalan ng kaniyang pamilya na hindi siya nagsisinungaling.
“You cannot fool this Committee. Kitang-kita ‘dun sa picture na wala siyang gloves… Walang gloves ‘yung right hand niya,” ani Sen. Dela Rosa.
Sa kabila ng paggiit ni Gonzalez na ang siklista ang nanguna sa road rage incident ay aminado naman siya sa kaniyang pagkakamali.
Si Gonzales ay humingi ng kapatawaran sa kaniyang kasalanan na hindi niya nagawang makapagpigil na batukan ang siklista at manutok ng baril.
Bukod sa anger management ay lumalabas din sa pagdinig sa Senado na may 10 blotter cases si Gonzalez sa kanilang barangay patungkol sa iba’t ibang issue. Kabilang dito ang grave threat, perjury, at frustrated homicide.