NGAYONG nararanasan ng bansa ang matinding tag-init, ang sektor ng mga estudyante ang isa sa pinakaapektado.
Kaya naman mayroong mungkahi si Pasig City Rep. Roman Romulo na kung puwede ay ibalik na lang ang dating school calendar na mula Hunyo hanggang Marso ang pasok ng mga estudyante.
Sa Kapihan sa Maynila Bay nitong Miyerkules, sinabi ni Romulo na bagamat mayroon nang option para sa online classes ay mahalaga pa rin sa estudyante ang face-to-face classes.
Kaugnay diyan, sinabi rin ng mambabatas na pagdating sa usapin ng face to face classes, ang pangunahing problema na kinahaharap ng gobyerno ay ang kakulangan ng classroom.
Sinabi ni Romulo, nasa mahigit 100,000 pa na classroom ang kakailanganin ng mga estudyante sa bansa katapat ng malaking pondo.
Bukod kasi sa kulang ang mga silid aralan ng mga mag-aaral, hindi rin ito dinesenyo para sa panahon ng tag-init.
Pagtitiyak din ni Romulo na dapat ang itatayong classroom ay nakaakma para sa panahon ng tag-init at tag-ulan na magiging komportable ang mga estudyante sa lahat ng panahon.
Ani Romulo, mayroon namang budget para sa kakulangan ng mga classrooms ngunit ang voucher system na ginagamit para dito ay para lamang sa junior at senior high school.
Kaya isa sa kanilang panukala na palawigin pa ang voucher system para sa Grade 1-6 kung saan mas maraming bilang ng mga mag-aaral.
Samantala, matatandaang sinabi ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte na ipinauubaya na niya sa pamunuan ng mga paaralan ang pagpapatupad ng blended learning sa gitna ng nararanasang matinding tag-init.