DALAWA na sa tatlong mga kasong may kaugnayan sa illegal drug trade na kinakaharap ni dating Justice Secretary at Senator Leila de Lima ang dinismis na ng mababang hukuman at inabsuwelto ito.
Bago pa man inabsuwelto kanina ng Muntinlupa Regional Trial Court branch 204, si De Lima ay una na itong na-acquit matapos na pinaboran ng Muntinlupa RTC branch 205 ang kaniyang petisyong demurer to evidence dahil napatunayan ng hukuman na hindi sapat ang mga ebidensiya na isinumite sa korte noong 2021.
Ito ay kaugnay sa alegasyong tumanggap umano ng drug money si De Lima para gamitin sa kaniyang pangangampanya sa senatorial candidacy noong 2016.
Samantala ang isa pa niyang kaso na patuloy na nakabinbin at patuloy na dinidinig pa sa Muntinlupa RTC Branch 256 tungkol sa illegal drug trade pa rin sa New Bilibid Prisons habang siya pa ang justice secretary noon ay deffered o ipinagpaliban muna ng korte ang pagpapalabas ng desisyon sa inihaing petition for bail ni De Lima.
Magugunitang February 2017 nang simulang nadetine si De Lima sa PNP Custodial Center.