BINISITA ng US Senate team si dating Senador Leila de Lima sa PNP Custodial Center sa Camp Crame, Quezon City ngayong araw.
Ito ay sa pangunguna ni Chris Homan, senior adviser on national security and foreign policy ni US Democrat Senator Dick Durbin kasama ang US Embassy personnel matapos pahintulutan ng korte.
Mainit silang tinanggap sa Chief, PNP Lounge sa PNP Grandstand para sa briefing at dokumentasyon na sinundan ng frisking at pagdedeposito ng mga personal na gamit bago pumasok sa PNP Custodial Center.
Binigyan sila ng briefing ni Police Lieutenant Colonel Larry Gabion, chief ng PNP Custodial Center partikular sa adjusted security measures matapos ang tangkang pagtakas ng 3 miyembro ng Abu Sayyaf noong Oktubre 9, 2022.
Ipinabatid din kay Homan ang kondisyon ng kalusugan ni De Lima na regular na tinitingnan ng mga doktor ng PNP at ang desisyon nitong manatili sa pasilidad sa kabila ng mga alok na ilipat ng detention facility.
Nabatid na tumagal lamang ng 40 minuto ang pagbisita ng US Senate team kay De Lima.