KINONTRA ni dating Senate President Juan Ponce Enrile ang pahayag ni Vice President Leni Robredo na suspendihin ang pondo ng NTF-ELCAC at gamitin bilang ayuda sa mga apektadong pamilya sa mga lugar na isinailalim sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
“Nabalitaan natin recently ‘yung pag-release ng bilyong-bilyong pondo para sa NTF-ELCAC, habang hindi pa tayo nakakabangon mula sa pandemya, ipagpaliban muna natin ito at tiyakin na walang Pilipinong magugutom,” ani VP Robredo.
Binigyang-diin ni Enrile na ang pahayag nito kay VP Robredo na may ibang layunin ang pondo ng anti-insurgency task force at lahat aniya ay prayoridad ng gobyerno.
“Iba ang purpose ng NTF-ELCAC, both (ayuda) are necessary. You cannot prioritize one over the other. Security ‘yung pinag-uusapan natin sa NTF-ELCAC. Kung walang security, wala kang pwesto Madam Vice President,” pahayag ng dating senador.
Matatandaan na ang tinutukoy ng bise presidente na 19 bilyong pisong pondo ng NTF-ELCAC kung saan ang labing-anim na bilyong piso dito ay alokasyon para sa barangay development fund.
Ang naturang alokasyon sa mga barangay ay ibinibigay sa mga communist-free barangay na natukoy ng task force.
Samantala, inilabas na rin noong nakaraang linggo ng Department of Budget and Management (DBM) ang pondo para sa ayuda ng mga residenteng apektado ng ECQ sa National Capital Region.
Posible na ngayong linggo naman sisimulan ang pamamahagi ng ayuda ng mga lokal na pamahalaan sa rehiyon.