PINAGTIBAY ng Supreme Court ng South Korea ang 20-taong sentensiya para kay dating Pangulong Park Geun-hye sa 2018 bribery conviction nito.
Una nang nahatulan si Park ng 24 na taong pagkabilanggo matapos mapatunayang nagkasala ito sa multiple counts ng abuse of power, bribery at coercion noong 2017.
Hulyo 2018 nang ibinaba sa 20 taong pagkabilanggo ang sentensiya ni Park matapos ang muling pagdinig sa kaso ngunit hiniling ng mga piskalya na bigyan ito ng mas mabigat na parusa.
Inaasahan namang pinal na ang desisyon ng Korte Suprema at hindi na aapela si Park kaugnay sa kanyang sentensya.
Pagsisilbihan ni Park ang kabuuang 22 taong pagkabilanggo matapos ang dagdag na dalawa pang taong termino dahil sa kasong “meddling in the nomination of candidates” para sa Saenuri Party na pinamunuan nito.
Si Park Geun-hye, na anak ng isang dating diktador na si Park Chung-hee, ay ang kauna-unahang demokratikong inihalal na lider na sapilitang tinanggal sa katungkulan nito sa pamamagitan ng parliamentary vote.
Nangyari ang nasabing pagboto matapos ang ilang buwang protesta ng milyun-milyong South Koreans para sa pagpapatalsik kay Park.
Kaagad namang inaresto si Park kasunod ng pagkatanggal nito sa puwesto at isinailalim sa paglilitis.