Dating SRA Administrator Serafica na lumagda sa sugar importation, pinaaaresto na

Dating SRA Administrator Serafica na lumagda sa sugar importation, pinaaaresto na

IPINAAARESTO na ng isang korte sa Negros Occidental si dating Sugar Regulatory Authority (SRA) administrator Herminigildo Serafica dahil sa hindi nito pagsunod sa kautusan ng huwes.

Sa ruling ni Presiding Judge Walter Zorilla ng Himamaylan City Regional Trial Court Branch 55 ay pinatawan ng contempt of court si Serafica at ipinakukulong ng 15 araw at multa na 30,000 pesos.

Nag-ugat ang kaso matapos naglabas ang korte ng writ of preliminary injunction laban sa kautusan ni Serafica na ituloy ang pag-import ng 200,000 metric tons na asukal noong May 4, 2022.

Una nang naglabas ng kautusan si Judge Zorilla noong March 2, 2022 na nagbabawal sa pag-import ng refined sugar matapos maghain ng kaso ang Negros Occidental Federation of Farmers Association.

Sa kabila na pinaboran ng korte ang petisyon ng mga magsasaka ng tubo ay naglabas pa rin ng memorandum circular si Serafica para sa importasyon ng asukal.

Magugunitang si Serafica rin ang sumuway sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na huwag mag-import ng asukal subalit naglabas pa rin ito ng Sugar Regulatory Order para sa 300,000 metric tons na sugar importation.

 

Follow SMNI News on Twitter