NASA 3.6 gigabyte o katumbas ng 45 milyong datos mula 2016 hanggang 2024 ang umano’y na-hack sa system ng National Bureau of Investigation (NBI).
Ayon sa ulat ng Philippine-based cybersecurity advocacy group na Deep Web Konek, kabilang sa mga nakuhang datos ng hacker na “Zodiac Killer” ay mga sensitibong impormasyon sa NBI gaya ng financial transaction records at iba pang personal data na ginamit sa pagkuha ng NBI clearance.
Ilan sa mga iyan ay mga pangalan, address, transaction IDs, contact information, at ang layon ng clearance application.
Pero para sa Cybercrime Investigation and Coordination Center, kung may na-hack man umanong datos sa NBI, hindi kasali dito ang criminal records at personal records.
“The database, ‘yung criminal records na hawak ng NBI are offline. Hindi pwede itong nakawin. Yung record mo, aba malay natin kung anong laman ‘non, hindi ho napa-publicize ‘yun. It is offline,” ayon kay Usec. Alexander Ramos Executive Director, CICC.
Ayon kay CICC Executive Director Usec. Alexander Ramos, kung may nanakaw man daw ang mga hackers, ito ay mga datos na nagmumula sa third-party provider ng payment system para sa pagkuha ng NBI clearance.
Kabilang lang umano sa nakuha ay mga pangalan at halaga ng binayad para sa nasabing dokumento.
“It is not owned by NBI, no. It is a public system, parang any fintech company, most likely sila ‘yung tinamaan. ‘Yung mga nag-aapply o nagbabayad to get an NBI clearance. That is the only vulnerable na nakaopen sa public,” saad ni Usec. Ramos.
Chineck nila sa dark web at wala naman daw mga sensitibong impormasyon na nakuha mula sa NBI.
Iniimbestigahan na ng National Privacy Commission ayon sa CICC ang nasabing data breach.