DATOS ng milyun-milyong miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang nakuha at inilabas ng Medusa Ransomware sa darkweb.
Sabi ng PhilHealth na batay sa kanilang assessment, tinatayang aabot sa 13 hanggang 20 milyong miyembro nila ang apektado.
Kabilang dito ang mga datos ng mga senior citizen at indigent gaya ng pangalan, address, birthday at PIN number.
Kaya paalala nila sa mga apektadong miyembro,
“Kapag may mga online accounts ka change the passwords. Change the inaudible,” pahayag ni Nerissa Santiago, Associate Senior Vice President, PhilHealth.
Pagbago ng mga PIN number ng apektadong PhilHealth member, ikinokonsidera
Upang maprotektahan ang datos ng mga apektadong miyembro, ikinokonsidera na ng PhilHealth ang pagbabago ng kanilang mga PIN number.
Pero inaalam pa ng PhilHealth kung kailan ito puwedeng baguhin.
Paliwanag kasi ng state insurer na hindi aniya magiging madali ang proseso ng pagbago ng mga ito.
“’Yung pag-change ng PIN is not an easy process sa technical point-of-view.”
“’Yung action ng pag-change ng PIN is madali. Ang mahirap is ‘yung sa other systems na that would affect. And also pag-inform sa member. Kasi they have to be informed,” ayon kay Nelson Devera, Acting Senior Manager, PhilHealth-IT and Management Dept.
Paglipat ng pitong PhilHealth officials, ikinalungkot at ikinagulat
Samantala, ikinagulat at ikinalungkot naman ng pamunuan ng PhilHealth ang paglilipat sa pitong opisyal nito.
Ito ay dahil umano sa pagiging “incompetent” o kawalan nila ng kakayahan na matupad ang kanilang tungkulin.
“I am saddened at tsaka nagulat talaga ako. Hindi ko inexpect. Nagulat ako. Malungkot ako. Malungkot ako kasi feeling ko ang ganda ng ginagawa namin dito,” wika ni Emmanuel Ledesma Jr., President and CEO, PhilHealth.
Kabilang sa mga ililipat na PhilHealth officials ang mga miyembro ng Management Executive Committee kabilang sina: Executive Vice President at Chief Operating Officer Atty. Eli Dino Santos, Associate Senior Vice President Nerissa Santiago, Senior Vice President Jovita Aragona, SVP Renato Limsiaco, SVP Atty. Jose Mari Tolentino, SVP Dennis Mas, at SVP Dr. Israel Francis Pargas.
“The accusation that members of the Execom are incompetent, grosy negligent, and what not, I deny this,” pahayag ni Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President, PhilHealth.
“When names are called medyo kinabahan dahil it’s out in the public. We were maligned. Parang hindi kami nabigyan ng due process to prove ourselves na incompetent ba talaga kami o hindi,” dagdag ni Santiago.
Pero sa kabila nito, handa anila silang sumunod sa nasabing kautusan.
Sa ngayon patuloy anila silang magtra-trabaho upang resolbahin ang krisis na kinakaharap ng PhilHealth.
“To reiterate if there’s an order we will follow it. But again subject to rules and regulations and available remedies,” saad ni Atty. Eli Dino Santos, Executive Vice President, PhilHealth.
“During these times, it’s an emergency time. So what we can only do is work and to address itong crisis that is happening,” pahayag pa ni Santiago.
Matatandaan na inaprubahan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang kahilingan ni Health Secretary Ted Herbosa na ilipat ang pitong opisyal ng PhilHealth.