SA kabila ng kanyang kalagayan ngayon, hindi nakakalimutan ni Pastor Apollo C. Quiboloy ang pagbibigay ng saya at tulong sa ating mga kababayan nating katutubo lalo na sa Kitbog, Malungon, Sarangani Province.
Dahil ayon sa kanya, walang batas na nagbabawal sa pagtulong.
Kilala ng mga Blaan bilang ‘Datu Tud Labun,’ ang pamamahagi ng regalo ni Pastor Apollo C. Quiboloy ay nagdadala ng ngiti, halakhak, at pag-asa sa mahal niyang komunidad.
Ang koneksyon ni Pastor Apollo sa Kitbog ay napakalalim. Noong dekada ’70, ginugol niya ang isang taon dito bilang bahagi ng kanyang espirituwal na pagsasanay. Ang lupaing ito at ang mga taong naninirahan dito ay may natatanging lugar sa kanyang puso. Noong 2023, pormal siyang inampon ng komunidad ng Blaan at binigyan ng titulong ‘Datu Tud Labun,’ na nangangahulugang tagapamagitan sa langit at lupa.
‘’Walay paglubad sama sa bulawan ang pagpalangga ni Pastor sa mga Blaan diri sa Kitbog. Dili lang sa Kitbog kundi halos tibuok kalibutan, gipalangga ni Pastor, labi na mga bata,’’ ayon kay William Lagunsay, Blaan.
Ngunit higit pa sa Pasko, ang dedikasyon ni Pastor Apollo sa mga Blaan ay walang katapusan. Bilang ‘Datu Tud Labun,’ pinangunahan niya ang mga inisyatibo para mapabuti ang kanilang buhay—pagbibigay ng solar panels para magbigay-liwanag sa kanilang mga tahanan at magpatakbo ng supply ng tubig, paggawa ng mga kalsada, at pagpaplano ng paaralan para sa mga susunod na henerasyon.
Si Russel, dalawang taon na ang nakakalipas nang una naming nakilala, ay isa rin sa mga batang laging inaabangan ang mga regalong hatid sa kanila ni Datu Tud Labun.
‘’Si Russel, dito na lumaki. Nagpapasalamat ako ngayon sa pag-ibig niya sa amin, ‘’ ayon kay Mary Joy Tuli, ina ni Russel.
Ngayong Disyembre, sa kabila ng maagang pagbangon para magtrabaho sa bukid na may liwanag lamang mula sa portable solar panels na donasyon ni Pastor Apollo, masaya silang nagtungo sa pagdiriwang ng Pasko.
‘’Nagpapasalamat ako kay Pastor kasi sa kabila ng kalagayan niya, binigyan pa rin kami ng regalo,’’ ayon naman kay Russel, Blaan.
Ang Pasko ay para sa mga bata. Kaya nga si Pastor Apollo C. Quiboloy, hinding-hindi sila kinalilimutan dito sa Kitbog, Malungon, Sarangani Province.
Bago pa man magsimula ang programa, nagpahayag ng kanilang pagmamahal at pasasalamat ang mga kabataang Blaan sa kanilang Datu Tud Labun sa pamamagitan ng kanilang mga liham.
Ang ilan ay nagsulat ng kanilang mga hiling para sa kanyang kalusugan at kaligtasan, habang ang iba ay nagbahagi ng kanilang pag-asang muling makita siya.
Syempre ang kinasasabikan ng mga bata, ang kanilang mga regalo ngayong Pasko mula kay Pastor Apollo.
‘’Lubos akong nagpapasalamat kay Pastor Apollo sa pagpapakain niya sa mga bata, sa pagmamahal niya sa mga bata, pati na rin sa mga may edad katulad namin. Napakalaki ng suporta ni Pastor sa amin,’’ saad ni Maria Tiwade, Blaan.
‘’Nagpapasalamat ako kay Pastor Apollo kahit maraming problema ang dumating sa kanya, nagpapasalamat ako dahil hindi niya kami pinabayaan. Maligayang Pasko, Pastor! Sana marami ka pang matulungang tribu. Maraming salamat sa iyo,’’ ayon kay Roxanne Malbulan, Blaan.
Ang Paskong ito sa Kitbog ay higit pa sa isang pagdiriwang; ito ay patunay ng pagmamahal, pag-asa, at matibay na ugnayan sa pagitan ni Pastor Apollo at ng komunidad ng Blaan. Ang kanyang malasakit at pangarap ay patuloy na nagbibigay liwanag sa kanilang buhay, isang regalo, isang ngiti, at isang pangarap sa bawat pagkakataon.
‘’Maraming salamat, Datu Tud Labun. Merry Christmas!’’