BUKOD sa nasyonal na tulong, nagpahayag din ng kagustuhang tumulong ang ilang local government units (LGUs) sa bansa para sa nagpapatuloy na search and rescue operations sa bansang Turkiye na naapektuhan ng matinding lindol kamakailan.
Ala una, Biyernes ng hapon nang inumpisahan ng Philippine contingent ang kanilang misyon sa bansang Turkiye matapos ang ligtas na biyahe mula Pilipinas.
Aminado ang pamahalaan na hindi madali ang kasalukuyang sitwasyon sa Turkiye dahil sa laki at lawak ng pinsala na dala ng magnitude 7.8 na lindol at mga aftershocks nito.
Samantala nagpahayag naman ng pagnanais ang ilang lokal na pamahalaan sa bansa na magpadala ng mga tauhan na tutulong sa search and rescue sa tinamaan ng lindol sa Turkiye.
Kabilang na rito ang Davao, Pasig at ang Bangsamoro Region.
Sa ngayon, tiniyak ng lead agency na Office of Civil Defense (OCD) ang kanilang patuloy ang koordinasyon sa mga tauhan nito sa Turkiye para sa tuluy-tuloy na operasyon nito sa nasabing bansa.
Batay sa pinakahuling datos, hindi bababa sa 21 libo ang kumpirmadong nasawi sa nasabing trahedya sa mga bansang Turkiye at Syria.
Nauna nang tiniyak ng pamahalaan na sapat ang suporta ng gobyerno sa mga Pilipinong kasapi sa response teams.
Samantala, ang naturang mga intensiyon ng mga LGUs ay nangangailangan pa ng desisyon at approval ng opisina ng Pangulo bago ang mga ito ay tumungo sa Turkiye.