Davao City, nananatiling pinakaligtas, pinakamalinis, at walang utang na lungsod—PPP

Davao City, nananatiling pinakaligtas, pinakamalinis, at walang utang na lungsod—PPP

TRENDING online ang mga balita at post patungkol sa sitwasyon ng trapiko sa Davao City.

Kasunod yan ng ulat ng 2024 Tomtom Traffic Index na ang Davao ang may pinakamabigat na daloy ng trapiko at pinaka-congested na lungsod sa Pilipinas.

Sabi ng Tomtom, ang lungsod ay nasa ika-8 na pwesto sa buong mundo na may average travel time na 33 minuto kada sampung kilometro.

Nalampasan na nga raw nito ang Maynila na nasa ika-14 na pwesto.

Pero ang mga Dabawenyo, hindi sang-ayon sa nasabing ulat.

Kinuwestiyon ng isang party-list na tubong Davao ang ilang media na mabilis na nakapag-ulat ng negatibo patungkol sa lungsod pero hindi naman maibahagi ang mga magandang bagay tungkol sa Davao.

‘’Bakit hindi nila mabanggit na ang Davao ang most livable city? Ang pinakamalinis na lungsod (sa Pilipinas). Ewan ko kung bakit ayaw nilang banggitin iyon. Kapag may isang negatibong bagay, paulit-ulit nilang sinasabi,’’ ayon kay Bryan Lim 2nd Nominee, Pwersa ng Pilipinong Pandagat Party-list.

‘’Walang utang ang Davao, cleanest, at most livable,’’ saad ni Lim

Dagdag pa ni Pwersa ng Pilipinong Pandagat Party-list 2nd nominee Bryan Lim – ang traffic ay pandalian lamang at kaya namang solusyunan.

Pero, aniya, hindi maitatanggi na ang Davao pa rin ang pinakaligtas, pinakamalinis, at isa sa mga lungsod sa bansa na walang utang.

Iyan aniya ang dapat tularan ng iba pang lokal na pamahalaan.

‘’Iyan dapat ang kanilang pagtuunan ng pansin,’’ ani Lim.

‘’Dapat ganun nga ang kanilang tutukan,’’ sabi nito.

Ayon sa Safety Index ng Numbeo para sa taong 2023, ang Davao ay itinanghal bilang pangalawang pinakaligtas na lungsod sa Southeast Asia.

Isa sa mga dahilan ng pagiging ligtas ng lungsod ay ang mahigpit na implementasyon ng mga ordinansa tulad ng curfew at no-smoking policy.

Kinilala rin ang Davao bilang pangalawang pinakamalinis na lungsod sa Southeast Asia batay sa 2024 Mid-Year Numbeo Pollution Index rankings.

Ang no-smoking ordinance ng lungsod ay nag-aambag din sa malinis na air quality nito.

Ayon naman sa pinakahuling ulat ng Commission on Audit para sa mga lokal na pamahalaan, nananatiling walang utang ang Davao at isa sa pinakamayaman na lungsod sa bansa.

‘’Kung ayaw nila iyan, doon sila sa lugar na walang traffic pero may kapalit na panganib sa kaligtasan at kalusugan. Mas pipiliin ko na lang dito sa Davao, kahit na may traffic,’’ wika ni Lim.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble