NAGSAMPA ng reklamong ‘perjury’ si Davao del Norte Governor Edwin Jubahib laban sa 15 indibidwal nitong Lunes, Hulyo 15, 2024 sa Tagum City Prosecutors Office.
Ito’y dahil, ayon sa legal counsel ni Gov. Jubahib na si Atty. Israelito Torreon, nagsinungaling ang nasabing 15 indibidwal na pawang residente ng Davao del Norte at Davao de Oro sa proseso ng kanilang paghahain ng reklamo laban sa gobernador sa Ombudsman at Office of the President (OP).
“What happened was that they filed a case with the Office of the Ombudsman and barely one or two days thereafter, they also filed the same complaint in the Office of the President. All complaints need verification and certification. Portion of the verification is a declaration on the part of the complainant that he has not filed any similar cases with other offices. He has to inform within five days from filing that there is a pending case but Semic did not do that. That constitutes willful misrepresentation of fact,” ayon kay Atty. Israelito Torreon, Legal Counsel ni Gov. Edwin Jubahib.
Ang nasabing 15 indibidwal ay nagreklamo sa Ombudsman at Office of the President dahil sa nagpalabas umano ng memorandum si Jubahib para sa mga rally at motorcade para suportahan ang House Bill na nagtutulak sa pagpapalawak sa Davao Light and Power Company.
Matatandaang pinatawan ng suspension order ng Office of the President si Jubahib dahil sa naturang reklamo.
Ang nasabing panukala naman ay bilang tugon sa umano’y hindi magandang serbisyo ng North Davao Electric Cooperative, Inc. (NORDECO).
Samantala, ayon kay Gov. Jubahib patuloy niyang susuportahan ang nasabing panukala para sa kapakanan ng mga residente.
“Sinuportahan pa rin natin ‘yan dahil hangga’t hindi makamit ng taongbayan ng Davao del Norte ang magandang serbisyo ng kuryente, at murang bayaran sa kuryente na matagal nang hinangad ng mga konsyumante, hindi tayo hihinto hangga’t hindi natin makamit ang ating ipinaglaban para sa kaunlaran ng bawat pamilyang naninirahan sa Davao del Norte,” ayon kay Gov. Edwin Jubahib, Province of Davao del Norte.
Aniya, ginawa lang niya ang tama at hiling na huwag gamitin ang batas laban sa mga walang kasalanan.
“Ginawa ko lang kung ano ang tama. Ang message ko doon, dapat pag-isipan niyo kung gumawa kayo ng hakbang siguraduhin niyong nasa tama kayo. Huwag niyong gamitin ang batas para maparasuhan ang taong wala naman siyang kasalanan,” dagdag pa nito.