I-release na ang P126-M na halaga ng mandatory contribution remittances mula sa iba’t ibang government agencies para sa Dangerous Drugs Board (DDB).
Ito ang panghihikayat ni Sen. Bato Dela Rosa sa Department of Budget and Management (DBM).
Aniya, kung hindi ito ilalabas ng DBM ay malinaw na nilabag nito ang nakasaad sa General Appropriations Act.
Sa pahayag ng DBM, P126-M ang kabuuang contribution na nalikom para sa DDB.
Nagmumula ito sa Philippine Amusement and Gaming Corporation, Philippine Charity Sweepstakes Office, Metro Manila Turf Club, at sa koleksiyon mismo ng DDB.
Iyon nga lang, P77-M lang ang nai-remit.
Ipinaliwanag ng DBM na hindi nila mataasan ang P77-M na mandatory contribution remittances para sa DDB dahil wala anila itong ipinakitang budget proposal para madagdagan ito.
Sa panig ng DDB, hindi nila matansya kung magkano ang koleksiyon kung kaya’t hindi rin nila alam kung hihingi ng increase o hindi.
Sa huli, sinabi ni Dela Rosa na mas mainam na pag-usapan ito ng dalawang government agencies.