IPINALIWANAG ng Department of Budget and Management (DBM) na ‘standby funds’ lang ang P449.5-B na unprogrammed appropriations sa ilalim ng 2024 budget.
Sa pahayag ng DBM, binigyang-diin nito na labas ang tinatawag na unprogrammed appropriations sa inaprubahang P5.7676-T na national budget ngayong 2024.
Ang unprogrammed o ang tinatawag ng DBM na standby funds ay makatutulong anila para tugunan ang mga hindi inaasahang mga gastusin at para mai-prioritize ang mga magiging essential program ngayong 2024.
Sinabi na ni Sen. Sonny Angara, ang chairman ng Senate Finance Committee na ‘conditional’ lang din ang unprogrammed funds at nakadepende ito sa magiging kita o tax collections ng pamahalaan.
Matatandaang idudulog ni Senate Minority Leader Koko Pimentel sa Korte Suprema ang aniya’y kuwestiyunableng P449.5-B na unprogrammed funds.
Sa ngayon ay patuloy na tinitimbang kasama ang iba pang mga abogado kung ang unprogrammed funds lamang ang kanilang ipadedeklara sa korte bilang unconstitutional o ang kabuuang General Appropriations Act para sa taong 2024.