UPANG matiyak ang dekalidad na edukasyon sa bansa, inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang ikalawang batch ng teaching positions para sa taong 2025.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, apat na libong bagong Teacher I position (Salary Grade 11) ang nilikha sa ilalim ng second batch na hiling ng Department of Education (DepEd).
Kabilang sa mga posisyong ito para sa School Year 2025–2026 ang 1,658 teaching positions para sa Kindergarten at Elementary, 391 para sa Junior High School at 1,951 naman para sa Senior High School.
Dagdag ito sa labing anim na libong (16,000) posisyon na inaprubahan noong Mayo na kukumpleto sa kabuuang dalawampung libong (20,000) posisyon na target ng DepEd para masuportahan ang pag-hire ng mas maraming guro sa mga pampublikong paaralan.
Ayon sa kalihim, ang pondo para sa mga bagong posisyong ito ay magmumula sa Built-in Appropriations ng DepEd sa ilalim ng FY 2025 General Appropriations Act (GAA), partikular sa programang “New School Personnel Positions.”
Samantala, matatandaang inaprubahan din ng DBM nitong Abril 2025 ang 10,000 non-teaching positions para sa DepEd upang maibsan ang administrative workload ng mga guro.