NAGLAAN ng P2-B ang pamahalaan para bigyan ng tulong ang cancer patients.
Ang naturang pondo ay sa ilalim ng panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman, inilaan ito ng gobyerno bilang isa sa mga pangunahing prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Binigyang-diin ni Pangandaman ang kahalagahan ng pag-iwas, paggamot, at pagkontrol sa mga non-communicable disease tulad ng cancer.
Ipinahayag ni Pangandaman na 18,695 cancer patients ang makikinabang sa P1.024-B na pondo sa ilalim ng Prevention and Control of Non-Communicable Diseases.
Sasaklaw ito sa pagbili ng 61 iba’t ibang cancer commodities tulad ng Trastuzumab 600 mg/5mL, Docetaxel 40 mg/mL , at Paclitaxel 6 mg/mL.
Bilang karagdagan sa Cancer Control Program, ang P1-B ay ilalaan sa Cancer Assistance Fund (CAF) para ma-subsidize ang tuluy-tuloy na tulong-medikal para sa 6,666 na cancer patients na nakarehistro sa 31 cancer access sites sa buong bansa.
Ang Cancer Assistance Fund ay tutustusan partially ang outpatient at inpatient cancer control services.
Kabilang dito, ngunit hindi limitado sa, mga therapeutic procedure at iba pang mga gamot sa cancer na kailangan para sa treatment and management ng cancer at care-related components nito.
Layunin ng Cancer Assistance Fund na punan ang financial gap sa cancer diagnostics at laboratories, na hindi saklaw ng PhilHealth.
Sa karaniwan, ang mga pamilyang Pilipino ay gumagastos ng humigit-kumulang P150,000 bawat pasyente para sa mga paggamot na ito.
Samantala, ang natitirang P682.709-M ng P1.7-B na inilaan sa ilalim ng Prevention and Control of Non-Communicable Diseases initiative ay tutugon sa mental health patients na may bilang na 124,246.
Ang nasabing halaga ay magpopondo sa mental health medications kabilang ang Sodium Valproate 250 mg, Paliperidone Palmitate 100 mg, at Haloperidol 5 mg/mL para sa mga pasyente sa 362 mental health access sites sa buong bansa.