MALUGOD na tinanggap ng Department of Budget and Management (DBM) ang mabilis na pagpasa ng panukalang 2023 national budget na aabot sa P5.268 trilyon.
Ang 2023 General Appropriations Bill (GAB) ay niratipikahan ng Senado at Kamara nitong Disyembre 5.
Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, taos-puso silang nagpapasalamat sa mga miyembro ng Senado at Kamara dahil dobleng oras silang nagtatrabaho upang pagtibayin ang panukalang 2023 national budget sa takdang panahon.
Dagdag pa ni Pangandaman, ang development na ito ay nagpapatibay sa determinasyon ng DBM na makamit ang fiscal objectives at isulong sa huli ang pagbabagong pang-ekonomiya.
Ang 2023 pambansang pondo ang unang full-year budget ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa gitna ng pag-apruba ng dalawang kapulungan ng Kongreso, maaari nang ipasa ang General Appropriations Bill (GAB) kay Pangulong Marcos para sa final approval.
Inaasahang lalagdaan ng Pangulo ang panukala bago matapos ang taong ito.
Samantala, balik P10-B na ang panukalang 2023 budget ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ikinatuwa naman ng mga nagsusulong ng pondo ng NTF-ELCAC na matagumpay na naibalik ang P10-B.
Nauna na itong tinapyasan ng limang bilyong piso at napuno rin ito ng mga pagpuna mula sa mga mambabatas dahil sa umano’y mahinang implementasyon ng mga proyekto.