DBM: P4.194B nakalaan sa 16K bagong public school teaching posts

DBM: P4.194B nakalaan sa 16K bagong public school teaching posts

INAPRUBAHAN kamakailan ng Department of Budget and Management (DBM) ang paglikha ng 16,000 na bagong teaching positions sa mga public school para sa School Year 2025–2026.

Ayon kay DBM Secretary Amenah Pangandaman, bahagi ito ng unang bahagi o first tranche ng target na 20,000 bagong posisyon na layong buuin ngayong taon para tugunan ang kakulangan sa mga guro.

“15,343 po out of the 16,000 ay Teacher 1 posts po iyan, iyan po ay Salary Grade 11, parang ito po yata iyong entry level ng ating mga guro sa eskuwelahan. Sumunod po diyan ay mayroon 157 special science teachers, ito po ay Salary Grade 13 at mayroon din pong 500 na Special Education Teachers, ito po iyong SPED na tinatawag na Salary Grade 14,” wika ni Sec. Amenah Pangandaman, DBM.

Inihayag din ng kalihim na ang kabuuang badyet para sa mga posisyong ito ay aabot sa P4.194B.

“Alam ninyo po taon-taon nadagdagan po iyong ating mga estudyante ‘no, tapos nakikita po natin na malaki rin po iyong pagkukulang ng mga—ng kulang ng numero kung ilan po iyong mga teachers natin,” dagdag ni Pangandaman.

Para sa mas mahusay na paglalagay ng mga guro, lilikhain ang mga Senior High School teaching positions sa division level. Ibig sabihin, may kapangyarihan ang mga School Division Superintendent na italaga ang mga guro kung saan sila higit na kailangan.

Layunin nitong maiwasan ang pag-uulit o duplication ng posisyon at matiyak ang mas epektibong deployment ng mga guro, alinsunod sa patakarang inaprubahan ng DBM noon pang 2016.

Batay sa tala ng Department of Education (DepEd), umabot sa mahigit 27.012 milyong estudyante ang nag-enroll sa elementarya at high school para sa School Year 2024-2025. Kasama na rito ang mga mag-aaral mula sa public at private schools, pati na rin sa ilalim ng Alternative Learning System.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble