DBM: P550-M pondo, magagamit ng DepEd para sa Special Education hanggang December 31, 2023

DBM: P550-M pondo, magagamit ng DepEd para sa Special Education hanggang December 31, 2023

IGINIIT ng Budget Department na mayroon pang magagamit na pondo ang Kagawaran ng Edukasyon para sa kanilang Special Education (SPED) programs na valid hanggang sa katapusan ng susunod na taon.

Isa-isang ipinaliwanag ng Department of Budget and Management (DBM) ang patungkol sa hindi paglalaan ng pondo para sa ilang programa ng mga ahensiya ng gobyerno kasama na rito ang sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Education (DepEd).

Ayon sa DBM, mayroon pang mahigit kumulang P550-milyong pondo ang maaari pang magamit ng DepEd para sa SPED hanggang Disyembre 31, 2023.

Sa ilalim ng 2022 National Budget, naglaan ang pamahalaan ng PhP 560.2-milyong pondo para sa pagpapatupad ng SPED programs.

Ayon sa DBM, mananatili itong valid o available para gamitin hanggang Disyembre sa susunod na taon.

Sa tala nitong Hunyo 30, 2022, P6.35-milyon o 1.13%  pa lamang ang nagagastos para sa SPED ng DepEd.

Kung kaya, may mahigit P550 million pa na puwedeng gamitin ng kagawaran para sa nasabing programa hanggang matapos ang 2023.

Magkulang man ito, saysay ng DBM, ay maaaring mag-realign o mag-modify ang DepEd mula sa budget o halagang nakapaloob sa kanilang Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE), na nakalaan para sa Operations of Schools – Elementary school and Junior High School.

Una nang dumipensa ang DBM sa hindi paglalaan ng pondo para sa SPED Program ng DepEd.

Saad ng DBM, isinusulong ng DepEd ang probisyon para sa SPED funds sa 2023 National Expenditure Program (NEP), subalit nabigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento ang kagawaran.

Sa naganap na pagdinig sa Kamara ukol sa 2023 budget ng DepEd, naibahagi ni Education Undersecretary Ernesto Gaviola na walang budget allocation para sa learners with disabilities (LWDs) sa susunod na taon.

Una nang hiniling ng DepEd ang P532 milyon para sa SPED programs sa 2023.

Sa kabilang dako, nagpaliwanag din ang DBM patungkol sa hindi inaprubahang hiling ng Department of Transportation (DOTr) na pondo para sa port projects.

Ayon sa DBM, ang awtoridad na magtayo ng mga daungan sa bansa ay ipinagkatiwala sa mga local government units (LGUs).

Paliwanag pa ng Budget Department, tinanggihan ang kahilingan ng DOTr dahil ang mga LGU ang namamahala sa konstruksiyon at modernisasyon ng daungan batay sa nakasaad sa Republic Act (RA) 9170 o ang Local Government Code of 1991.

Una nang nabanggit ng DOTr na hindi inaprubahan ng DBM ang kahilingan nito na PHP800 milyon na pondo para sa pagtatayo at pag-upgrade ng hindi bababa sa 36 na daungan at pantalan sa 2023.

Mababatid na naglaan ang DBM ng humigit-kumulang PHP962.2 bilyon para sa mga LGU sa buong bansa sa 2023.

Ito’y upang palakasin ang kanilang kakayahan at pabilisin ang paghahatid ng kanilang mga pangunahing serbisyo.

Follow SMNI News on Twitter