NANINIWALA ang isang fashion designer at batang negosyante na si Chynna Mamawal na ang fashion ay hindi na kailangan maging napaka-eksklusibo o mamahaling brand para makasunod sa uso.
Mahalaga pa rin aniya sa isang pasyonista na masaya ito sa kanyang ginagawa.
Para sa kanya, nais niya na ang bawat Pilipino ay makasunod sa moda ng pananamit gaano pa man ang halaga ng presyo.
Dahil dito, nagbukas ng sariling clothing store si Chynna, ang Casa.
Ang Casa ay isang Filipino-made clothing brand na nag-aalok ng de-kalidad at naka-istilong pang-araw-araw na damit para sa mga lalaki at babae.
Bukod pa dito affordable din ang kanilang mga kasuotan.
Mismong si Chynna ang nagdesign ng lahat ng mga ibinebenta nilang damit sa isang mall sa lungsod ng Maynila.