De Lima, muling binatikos ni Duterte kaugnay sa isyu ng ilegal na droga

BINATIKOS ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Senator Leila de Lima dahil pilit na gumagawa ito ng isyu sa lahat ng mga naging hakbang ng administrasyon partikular sa COVID-19 response nito.

Sa isang Talk to the People Address nitong Lunes, kinastigo ni Pangulong Duterte si De lima kasunod ng mga kritisismo ng senadora patungkol sa ilang araw na hindi pagpaparamdam nito sa publiko sa gitna ng nararanasang pandemya.

Tugon naman ng Punong Ehekutibo rito, hindi man nasilayan ng publiko ang kanyang presensya noong nakaraang linggo, ay iginiit nitong tuluy-tuloy ang pagtatrabaho niya para sa kapakanan ng bayan.

Sinabihan pa ni Pangulong Duterte si De Lima na hindi nito kaya ang mga ginagawa niya kaya pilit hinahanapan ng senadora ng isyu ang mga bagay-bagay.

“Galit ka lang kasi nagpresidente ako, galit ka lang kasi ako may ginawa sa bayan, galit ka lang kasi ako hindi ako pumayag na itong ating bayan ko pupunta sa aso…hindi mo kaya ‘yan yung ginawa ko hindi mo kaya sa totoo lang, naghahanap ka lang ng issue,” pahayag ni Duterte na tinutukoy si De Lima.

Samantala, habang nagpaliwanag si Pangulong Duterte ukol sa mga naghahanap sa kanya, binanatan pa ng Punong Ehekutibo si De Lima kaugnay sa isyu ng iligal na droga.

Sinabihan pa ni Pangulong Duterte si De Lima na binastos ng senadora ang Pilipinas dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa ipinagbabawal na gamot.

“Kapag binabastos niyo ako, babastusin ko rin kayo. Kay (Leila) De Lima, magtiis ka (p*** i** mo), binastos mo ang Pilipinas ng droga diyan mismo sa national penitentiary,” ayon sa Pangulo.

Matapos ng mga naging pahayag ng Chief Executive, ay sinagot naman ni De Lima ang pasaring ng Pangulo sa pamamagitan ng kanyang Twitter account.

“Magtrabaho ka na lang Duterte. Kung nagtrabaho ka lang sana hindi tayo umabot sa ganito. Huwag ka na lang puro ngawngaw,” sagot ni De Lima.

Kaugnay rito, bagama’t inamin ni Pangulong Duterte na may sakit siya pero iginiit nitong ito ay hindi malala.

Sambit pa ng Pangulo, hindi rin aniya ito makaaapekto sa kaniya upang gampanan ang tungkulin bilang pinuno ng bansa.

(BASAHIN: Senator De Lima, naghain ng panukala para sa libreng COVID-19 vaccine sa lahat ng Pilipino)

SMNI NEWS