De Lima, nais na paimbestigahan ang umano’y kapalpakan sa pagpatutupad ng 4Ps

De Lima, nais na paimbestigahan ang umano’y kapalpakan sa pagpatutupad ng 4Ps

NANAWAGAN si Senator Leila de Lima sa Senado na imbestigahan ang umano’y iregularidad at kapalpakan sa pagpatutupad ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

Nais na paimbestigahan ni De Lima ang social amelioration program ng pamahalaan para sa pinakamahihirap na pamilya sa bansa.

Inihain ng senadora ang dalawang magkahiwalay na resolusyon sa pamamagitan ng kanyang tauhan.

Sinabi ni De Lima,  kabilang sa iniulat ng mga tao ay ang kapalpakan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ibigay ang tulong pinansyal sa mga pamilyang nangangailangan sa tamang oras.

Mayroon din umanong isyu na nabawasan ang bilang ng mga benepisyaryo at dapat itong imbestigahan ng Senado ayon kay De Lima.

Nabanggit din ni De Lima ang ilang isyu na kinasangkutan ng DSWD patungkol sa pagpatutupad ng 4Ps.

Kabilang dito ang pagkatuklas ng Commission on Audit (COA) para sa Calendar Year 2020 na hindi nagamit ng departamento ang nasa higit P780.7 milyong pondo nito na maaari sanang makatulong sa 139,300 na mga benepisyaryo.

Follow SMNI News on Twitter