BASTA na lang tinanggal ang mga binging empleyado ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) nang walang due process at walang legal na basehan.
Naniniwala ang grupo na ang pagpapatalsik na ito ay bunsod ng paghihiganti ng mga opisyal ng KWF sa isinampang kaso ng mga binging empleyado dahil sa ‘di pagpapasahod sa kanila nang tama at nakuha lamang nila ang sahod nang dalhin nila ito sa korte.
“Kami po ay nagmamartsa, nagrarally, galit po kami dahil sa limang kadahilanan. Una, ‘yung P1.8 milyon na nawawalang pera ng komisyon ng unit, ikalawa hindi nila maipaliwanag kung saan napunta ang budget na ito,” ayon kay Mariah Agbay, President, Philippine Federation of the Deaf [Joy Villareal, Interpreter, Filipino Sign Language (FSL)].
Ang Batas Republika 11106 o Filipino Sign Language Act ay nilikha para kilalanin na Pambansang Wikang Senyas na itataguyod para sa mga binging Pilipino ng bansa.
Sinabi rin ni Agbay na ang pondo o budget para sa RA 11106 o Filipino Sign Language Act ay dapat gamitin sa yunit at sa mga proyekto na meron ito at para sa mga kapakanan ng mga bingi.
Dagdag din ni Agbay na hindi maipaliwanag ng KWF kung bakit nawala ang pondo at anong nangyari dahil maging ang mga service ng interpreter hindi na rin binabayaran ng ahensiya.
“Nakakalungkot nga po kasi ‘di po nga ba, sa batas po natin ang KWF Komisyon sa Wikang Filipino, sila ang lead agency para ma implement ang IRR ng FSL Law pero nangyayari ito ngayon na sila mismo ang komokontra sa batas,” dagdag ni Agbay.
Pitong empleyado ng KWF ang tinanggal ng mga bagong komisyoner na itinalaga ng Marcos administration.
Hindi binigyan ng pagkakataong magpaliwanag at hindi man lang sinuri ang accomplishments ng mga tinanggal na empleyado.
Dahil dito nanawagan ang grupo sa kasalukuyang administrasyon dahil ang aksiyong ginawa ng KWF ay malinaw umanong pagyurak sa karapatan ng mga binging Pilipino.
“Nandito po kami pinagtatanggol namin ang aming batas ang aming Filipino Sign Language Law, ang aming Karapatan, ang aming human rights, amin pong ini-exercise, ginagawa po namin ngayon,” ayon kay Joy Villareal, Interpreter, Filipino Sign Language (FSL).
“Kung ikukumpara ngayon po ito ngayon ng ilang commissioner sa KWF na yurakan ang aming lenggwahe, dapat i-recognize ang aming wika alinsunod sa batas ng RA 11106,” aniya pa.
Kaugnay nito’y naglabas na ng opisyal na pahayag ang KWF.
Ayon sa KWF, ang desisyon nilang hindi i-renew ang ilang kawani ng Filipino sign language ay hindi diskriminasyon dahil nirerespeto aniya nila ang karapatan ng mga binging Pilipino.
Handa rin aniya silang tugunan ang mga akusasyon sa legal na paraan dahil batid nilang idinulog na sa korte ng mga tinanggal na kawani ng FSL ang kanilang paggiit para sa kanilang contract renewal.
Samantala, ang Philippine Federation of the Deaf ay mayroong aktibong 93 organizations sa Pilipinas.
Sinubukan na rin naming hiningi ang panig ng KWF ngunit sa mga oras na ito ay wala rin silang tugon.