UMAKYAT na sa hindi bababa sa 48 ang bilang ng mga namatay sa pagbaha at landslides na resulta ng walang tigil na pag-ulan sa Southeastern Brazil ayon sa otoridad.
Ayon kay Sao Paulo State Governor Tarcisio de Freitas, sa ngayon ay nasa 48 na ang bilang ng mga nasawi at nananatili pa rin sa 38 ang kasalukuyan pa ring nawawala.
Ang bagyo ay nagbuhos ng 680 millimeters o 27 inches na kapal ng ulan sa coastal town sa loob ng 24 na oras at higit sa doble ito ng average amount para sa buong buwan ng Pebrero.
Matatandaan na bumisita sa disaster zone si President Luiz Inacio Lula da Silva at nangako ng tulong ng Federal Government at hinimok din nito ang mga residente na huwag nang magtayo ng mga tirahan sa mga high-risk areas.