Debate team ng Ateneo, karadapat-dapat bigyan ng pinakamataas na papuri sa Senado –Sen. Jinggoy

Debate team ng Ateneo, karadapat-dapat bigyan ng pinakamataas na papuri sa Senado –Sen. Jinggoy

DAHIL isang pambihirang tagumpay ang nakamit ng mga mag-aaral ng Ateneo de Manila University (ADMU) sa World Universities Debating Championship (WUDC), sinabi ni Senator Jinggoy Ejercito Estrada na karapat-dapat lamang na bigyan sila ng pinakamataas na antas na papuri ng Senado.

“Pinatunayan nila ang kakayahan ng mga estudyanteng Pilipino na makipagsabayan sa mga pinakamahusay na kabataang speakers at thinkers sa mundo,” sabi ni Estrada sa kanyang inihaing Senate Resolution No. 416 na pumupuri kina David Demitri Africa at Tobi Leung para sa pagiging kampeon sa WUDC 2023 na isinagawa noong Enero 3 sa Madrid, Spain.

“Ang kanilang kahusayan sa sining ng panghihikayat, kritikal na pag-iisip at malikhaing pagbabalangkas ng mga ideya na hinasa ng maraming taon na dedikasyon, pag-aaral at disiplina kahit nasa murang edad pa lamang sila ay mga positibong katangian na karapat-dapat tularan ng ating mga mag-aaral,” dagdag pa niya.

Ito ang unang pagkakataon na nasungkit ng isang koponan mula sa Pilipinas o Southeast Asia ang pagiging kampeon sa nasabing kompetisyon, kung saan karaniwang nananaig ang mga mula sa English-speaking countries.

Sa nakamit na tagumpay, naitala ng ADMU ang pagiging pangalawang unibersidad sa Asya na nakakuha ng titulo.

Nauna ang BRAC University of Bangladesh noong 2022.

Ang dalawang miyembro ng Ateneo Debate Society na parehong kumukuha ng Bachelor of Science in Applied Mathematics with specialization in Data Science, ay nakipagtagisan sa mga kinatawan ng Princeton University (USA), Tel Aviv University (Israel), sa Sofia University (Bulgaria) sa grand finals ng nasabing kompetisyon.

Sabi ni Estrada, sina Leung at Africa ay nagpamalas ng kanilang kakayahan sa isang international debating stage at naipakita sa mundo ang kahusayan sa pananalita at angking talino sa pakikipagtalastasan.

Si Leung ay tinanghal na pangalawang pinakamagaling sa pakikipagtalastasan, ang pinakamataas na nakamit ng isang Pilipino sa WUDC, habang si Africa naman ay pinangalanang pang-walo sa pangkalahatan na pinakamahusay na speaker.

Follow SMNI NEWS in Twitter