December 2024, pinakamasayang Disyembre ni Mayor Timothy Cayton sa bayan ng Dupax del Norte

December 2024, pinakamasayang Disyembre ni Mayor Timothy Cayton sa bayan ng Dupax del Norte

TAON-taon, ipinagdiriwang ng buong bayan ng Dupax del Norte, Nueva Vizcaya ang kanilang Kapaskuhan sa temang ‘A December to Remember.’ Ngunit para kay Atty. Timothy Joseph E. Cayton, ang Disyembre ng taong ito ang pinakamasaya sa lahat ng Disyembre sa kaniyang buhay bilang alkalde ng bayan.

Ito na ang pinakahuling termino ni Mayor Cayton bilang alkalde ng kanilang bayan simula nang maupo siya noong 2016.

Ibinahagi niyang hindi naging madali ang kaniyang “journey” bilang alkalde, ngunit dahil sa pagtutulungan at pagkakaisa ng mga opisyal at empleyado ng kanilang munisipyo, nakabuo sila ng mga programang nakakatulong sa mga pangangailangan ng kanilang mamamayan.

Isa aniya sa pinakamahirap na Disyembre at taon sa kaniyang pamamahala ay ang taon ng pandemya, dahil hindi nila alam at hindi nila nakikita ang kalaban na COVID-19 virus.

“2020 was the most difficult time of my being the mayor. I was challenge as a mayor dahil nga hindi natin alam iyong kalaban natin.  COVID-19 is something foreign dahil foreign, hindi natin alam at hindi natin nakikita. Malalaman lang natin kung nandyan na, nandoon na sa sistema natin. Pero dahil sa pagkakaisa ng mga LGU, nairaos at naitawid namin ang aming bayan mula sa sa mga epekto ng pandemya,” pahayag ni Mayor Timothy Joseph E. Cayton, Dupax del Norte, Nueva Vizcaya.

Ngayon taon, masasabi ni Mayor Cayton na ito ang pinakamasayang Disyembre niya dahil kahit sa mga kalamidad na nagdaan, lalo na ang Bagyong Pepito, naging matagumpay pa rin ang kanilang pagpapatayo ng Christmas Village para mas maging masaya ang pagdiriwang sa kanilang “A Christmas to Remember 2024”.

Ibinahagi ni Cayton na akala niya hindi na matutuloy ang kasiyahan sa pagdiriwang ng kanilang Kapaskuhan dahil sinira ng Bagyong Pepito ang kanilang mga Christmas decoration, at akala niya hindi na nila mabubuo pa ito. Ngunit sa pamamagitan ng kanilang pagtutulungan, naitayo nila itong muli.

Malaki ang pinsalang naidulot ng Bagyong Pepito sa kanilang bayan. Maraming mga pangkabuhayan ang nasira, ngunit dahil sa mga programang nakakatulong sa kanilang mga mamamayan, hindi naging mahirap sa kanila ang pagbangon.

Pinasalamatan din ni Cayton ang balitang dumadami ang mga taong nagtitiwala sa kaniyang kandidatura para sa pagka-kongresista.

“Sabi ko nga I file my COC for congressman para may isa pa, may mas bata at bagong pagpipilian ang Nueva Vizcaya. We have also programs na pwede naming ialay sa bayan, we wanted to introduce fresh, we wanted to introduce innovation, we wanted to introduce informative and transformative leadership, including positive change for the province. At siyempre magkakaroon tayo ng bagong mukha, isang abogado, isang bata at siyempre tubong, Vizcayano,” dagdag ni Mayor Cayton.

Sa kaniyang paglisan bilang ama ng Dupax del Norte, masaya at kontento siya na ipagkatiwala ang bayan sa kamay ng susunod na administrasyon. Sa kabila ng mga problema, pagsubok, at balakid na hinarap sa loob ng 9 na taon ng kaniyang pamumuno, nakapag-iwan siya ng isang magandang legasiya na patuloy na nakakatulong sa kapakanan at kaunlaran ng kanilang bayan.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter