Decongestion at regionalization ng Bilibid, kongkretong solusyon vs sindikato –Sen. Robin Padilla

Decongestion at regionalization ng Bilibid, kongkretong solusyon vs sindikato –Sen. Robin Padilla

ANG agarang pag-decongest at pag-regionalize sa New Bilibid Prison (NBP) ang kongkretong solusyon sa mga sindikatong patuloy na nagiging sangkot sa krimen lalo na ang may kinalaman sa iligal na droga, ayon kay Sen. Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Huwebes.

Iginiit ni Sen. Padilla na dating naging bilanggo sa NBP na ang Bilibid ay patuloy na pugad ng masasamang elemento lalo na’t matapos ipinasok doon ang mga drug lord.

Binigyang-diin din ni Padilla ang kahalagahan ng regionalization sa rehabilitasyon ng mga bilanggo, kung saan mas madali para sa kanilang bisitahin ng mga kamag-anak o mahal sa buhay.

“Isa po itong kongkretong solusyon sa problema unang una, ng sobrang population ng bilanggo sa NBP. Dapat diyan ay nasa 5,000 lang yata o 4,000. Noong panahon namin nasa 12,000 kami diyan. Naalala ko pa ho noon pag sa gabi ang kalahati matutulog ang kalahati nakaupo, yan noong panahon namin sa kulungan. At amoy sindikato kaming lahat dahil punong-puno na ang selda. Ang selda dapat nasa 40 lang pero lumalabas doon 80 kami,” ayon kay Padilla sa kanyang interpelasyon sa 2023 budget ng DOJ.

 “Noong panahon namin, ang mga gang (sa loob ng Bilibid) ay may prinsipyo. Kami po ay may sinusunod na batas at ang mga batas pong yan talagang nadidisiplina po namin ang mga kapatid naming bilanggo. Pero nang nagdatingan diyan ang mga drug lords, doon na po nagkagulo-gulo. Nawala na po ang tinatawag naming batas sa loob ng kulungan,” dagdag nito.

Tugon ni Senate Finance Committee Chairman Juan Edgardo Angara na isasama ng DOJ sa 2024 budget ang regionalization dahil pinag aaralan pa nila ito nang masinsinan, nguni’t sang-ayon sila sa hakbang na ito.

Dagdag ni Padilla, pag na-regionalize ang mga kulungan, mas madali para sa pamilya ng mga bilanggo na bumisita para makatulong sa proseso ng rehabilitasyon.

Isa sa mga unang panukalang batas ni Padilla ay ang tungkol sa pag-regionalize ng Bilibid para matugunan ang problema ng siksikan at para matiyak na mabisita ang mga bilanggo ng mga mahal nila sa buhay.

“Ang sinasabi nating BuCor, mahirap i-correct ang taong may problema sa pamilya. Ang Number 1 solution para ma-rehab ang isang bilanggo yung kasama niya ang kanyang pamilya,” aniya.

 

Follow SMNI News on Twitter