NAGTRENDING sa social media ang #DefendUP itoy matapos na wakasan ng Department of National Defense (DND) ang 31-taong kasunduan na nilagdaan nila kasama ang University of the Philippines (UP) noong 1989 na nagbabawal sa state forces na pumasok sa bisinidad ng mga unibersidad.
Epektibo kahapon January 15, 2021, ang pagpapawalang bisa sa DND-UP Accord mula sa sulat na ipinadala kay UP President Danilo Concepcion mula naman sa tanggapan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana.
Sa nasabing sulat, nabatid ng DND na mayroong nagpapatuloy na recruitment ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) sa mga estudyante sa loob ng mga campus ng UP sa buong bansa.
Ayon pa sa kalihim, nakikitang hadlang ang kasunduan sa pagitan ng UP at DND para pigilan ang mga puwersa ng gobyerno na magsagawa ng anti-communist operations sa loob ng UP campuses kung saan ang mga pulis at sundalo ay hindi pinapayagang pumasok sa campus na walang pahintulot mula sa UP administration.
Matatandaan, ang UP-DND Accord, o mas kilala bilang ‘Soto-Enrile’ Accord ay nilagdaan noong June 30, 1989 ng student leader na si Sonia Soto at noon ay Defense Minister na si Juan Ponce Enrile kasunod ng mga insidenteng nawawala ang mga estudyanteng aktibista sa mga UP campuses noong panahon ng martial law.
Samantala, nito lamang mga nakaraang buwan ay sunud-sunod naman ang pag-aalsa ng ilang mga magulang sa Metro Manila dahil sa mga nawawala nilang anak na anila’y kinuha ng mga rebeldeng grupo na CPP-NPA-NDF at hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik sa kanilang tahanan.
Sa kabilang banda, tuloy-tuloy din ang pagsuko ng ilang kadre, at mga miyembro ng komunistang grupo na CPP-NPA-NDF sa pamahalaan kapalit ng magandang buhay at oportunidad na makapamuhay ng maayos sa lipunan.
Ayon sa AFP, aabot sa 54 na iba pang guerilla fronts at siyam na regional armed groups sa bansa aniya ang malapit na ring mabuwag.
Kaya naman tahasang ipinag-utos ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Gilbert Gapay ang tuluyang paglipol sa nalalabing puwersa ng New People’s Army (NPA) bago matapos ang taong 2021.