NILINAW ni Defense Secretary Carlito Galvez Jr. ang kanyang naging pahayag sa pagdinig ng Senado tungkol sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) bilang “cure” sa mental health issues.
Ito ay matapos kwestyunin ng mental health practitioners at advocates ang paggamit ng salitang “cure” sa usapin ng mental health.
Ayon kay Galvez, nais lamang niya ipabatid na sa pamamagitan ng ROTC ay mapapalakas ang “character” at “resilience” ng trainees na makakatulong sa kanilang mental health.
Layunin din aniya ng programa na sanayin ang trainees na makayanan ang “stressful situations” at “contexts” sa pamamagitan ng “basic psychosocial support competencies”.
Nabatid na nakapaloob sa isinusulong na ROTC ng Defense Department ang mga kurso na magtuturo ng resilience, self-leadership, character-building, at disiplina ng trainees.
Tiniyak naman ni Galvez na kanilang isaalang-alang ang diwa ng RA 11036 o Mental Health Act of 2018 at ang mga isyung binigyang-diin ng mga mental health expert sa pagbuo ng ROTC Program.