Delivery riders, ginagamit din sa illegal drug trade—DDB

Delivery riders, ginagamit din sa illegal drug trade—DDB

MAY mga report na nagagamit na ang mga delivery rider para maghatid ng mga ilegal na droga nang hindi nila namamalayan.

Noong panahon ng pandemya, marami ang natatakot na lumabas ng bahay dahil sa mabilis maihawa ang nakamamatay na COVID-19 virus.

Sa panahong ‘yun, walang magawa ang mga Pilipino kundi ang sumunod sa mga kaliwa’t kanang pagpapababa ng kautusan na i-lock down ang bawat barangay.

Kaya naman, naging tsansa ito para sa iba na pasukin ang pagiging delivery rider.

Ang bawat bagay – mapa-pagkain o anumang pangangailangan ng pamilya o indibidwal – lahat na ata – ay inaasa na online.

Online shopping ang ‘click’ nung mga panahong ‘yun.

Naging maginhawa ito para sa maraming indibidwal dahil hindi na nila kailangan pang lumabas ng bahay para mamili.

Para naman sa mga pinasok ang pagiging delivery riders – nakabigay rin ito ng ‘income’ o kita sa kanila sa panahong marami rin ang natanggal sa trabaho dahil sa bawal ang face-to-face work.

Isa si Manong Ben sa mga nagsimulang maging delivery rider noong pandemya at hanggang ngayon ay ito pa rin ang kaniyang hanapbuhay.

Batid niya ang kaakibat na disgrasya sa kalsada at ang mababad sa matinding init ng panahon o ulan.

Ngunit maliban sa mga nabanggit na hamon, hindi rin maiwasan ng delivery riders na mangamba na sila ay magamit sa paghahatid ng mga ilegal na droga.

Sa panayam ng SMNI News kay Manong Ben, ikinuwento nito na ang kaniyang anak ay minsan nang nagamit ng mga masasamang loob nang hindi niya namamalayan.

“Lalo na ‘yung anak ko nakuha niya sa Makati tapos dinala niya sa bandang Pampanga, kinabahan ang anak ko.”

“Manika lang ‘yung dadalhin niya, regalo naka package ‘yun pero pagdating dun tago ‘yung mga pupuntahan nila.”

“Tapos nung pag deliver niya malaki binayad sa kanya halos triple alam na niya ilegal ‘yun drugs na talaga kasi sabi ng mga dinaanan niya don nagbagsak na naman kayo diyan sabing ganun,” ayon kay Ben Castelo, Move It delivery rider.

Kaya naman labis na lang ang kaniyang pag-iingat sa tuwing makakatanggap at maghahatid ng parcel.

“Ay sa, ako maingat ako eh lalo na yung mga ilegal na ganyan kaya pinag-iisipan ko muna kung ano ‘yung dala ko,” ani Castelo.

Yung katulad ng magpapadala ng ilegal lalo na kapag malaki ang tip maliit ang fare tapos malaki ang tip sigurado ilegal na ang mga dala nun,” dagdag nito.

Kaugnay rito sinabi ni Quezon City Vice Mayor Gian Sotto na bagamat nakakita sila ng pagbaba sa mga naitatalang insidente na may kaugnayan sa ilegal na droga, hindi nila maiwasan na mabahala dahil nagagamit sa ilegal ang mga nagtratrabaho nang marangal.

“Merong down trend for a certain bracket pero ‘yun nga lang may na-identify kasi tayo na nagagamit po ‘yung mga riders natin that’s why nagkaroon po tayo ng event na ito para maturuan po ‘yung mga riders on how to identify kung nagagamit na sila for illegal drugs,” wika ni Vice Mayor Gian Sotto, Quezon City.

Delivery riders, sumailalim sa seminar para iwas-biktima ng illegal drug trade

Kaya bilang tulong at para na rin maiwasang magamit ang mga Transport Network Vehicle Service (TNVS) riders sa illegal drug trade, pinangunahan ng Dangerous Drug Board (DDB) ang isang seminar na magbibigay ng kaalaman sa mga delivery rider kung ano ang kanilang mga dapat gawin sakaling makatanggap ng kahina-hinalang parcel.

Ang nasabing seminar ay kasabay ng taunang selebrasyon ng International Day Against Drug Abuse and Illicit trafficking (DADAIT) na dinaluhan ng ilang TNVS drivers.

Kasama sa mga dumalo ay si Marvin Evangelista, Head of Compliance ng isang logistic company dito sa Pilipinas, aniya malaking bagay ang nasabing seminar upang maibahagi ng iba’t ibang grupo ang kanilang mga ginagawang hakbang upang hindi makakusot ang mga kontrabando gamit ang kanilang kompanya.

“Of course meron tayong mga ginagawang safety measures regarding para ma-make sure natin ‘yung safety at ‘yung laman ng ating mga parcels first we have know your costumers pagdating sa aming VIP sellers so we conduct very subtle investigation dun sa background nila, we ask for certain requirements na to ensure na they ate legitimate sellers” saad ni Marvin Evangelista, Head of Compliance. J&T Express.

Ayon naman kay DDB Asec. Lheng Matibag na na-highlight nila sa naturang aktibidad ang mga TNVS rider dahil sila aniya ang madalas na biktima ng mga pagpapadala ng mga kuwestiyunableng parcel na minsan ay naglalaman pa ng mga ilegal na droga.

“Ito’y hinahandog ng Dangerous Drugs Board katulad ng Quezon City Government MMDA at LTO at ang PSSC para kami ay mag spread ng kaalaman at awareness tungkol sa mga maaaring possibility na consequences na kung ikaw ay magiging biktima ng mga unscrupulous na tayo na magpapadala sa inyo na mga produkto na ilegal” ani Asec. Lheng V. Matibag, Deputy Exec. Dir For Operations, DDB.

Kaya para kay Manong Ben, malaking tulong para sa kanilang mga TNVS driver ang hakbang na ito ng pamahalaan.

“Ito maganda itong programa na ito,” ani Castelo.

Sa huli hinikayat ni Asec. Matibag ang publiko at magkaisa upang mapigilan ang paglaganap ng ilegal na droga sa bansa.

“Sana maging conscious, din tayo tulungan natin ang buong pamahalaan na maging aware tayo against illegal drugs,” ani Matibag.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble