Demolition job laban sa LTO chief, paninira lang daw; Mga grupo na nasa likod nito, hinamon

Demolition job laban sa LTO chief, paninira lang daw; Mga grupo na nasa likod nito, hinamon

ITINATANGGI ni Land Transportation Office (LTO) chief Vigor Mendoza II ang mga paratang na ipinupukol laban sa kaniya ng ilang grupo.

Kasunod ito ng inilabas na 2-page paid advertisement ng grupong Coalition for Good Governance, FELTOP at iba pa na may nangyayaring korapsiyon sa pagpapatupad ng Land Transportation Management System (LTMS) dahil sa walang tigil na pangongolekta ng computer fees para dito.

Bukod sa korapsiyon, inireklamo rin si Mendoza ng mga grupo dahil sa Betrayal of Public Trust, Grave Abuse of Authority, Loss of Trust and Confidence.

Ang LTMS ay isang online portal kung saan digitalized na ang lahat ng transaksiyon sa ahensiya katulad na lamang ng pag-renew ng sasakyan na hindi kailangan pumila sa mga district office ng LTO.

Ngunit, tila nabahiran umano ito ng katiwalian na mariin namang pinabulaan ng hepe.

“Hindi pwede ang sabi-sabi lang, madali magsabi. Iba ‘yung pruweba mo eh di ipakita nila, basta ako very confident na wala ‘yan di ba,” ayon kay Asec. Vigor Mendoza II, Chief, LTO.

Aminado ang LTO chief na may mga district office na may computer fees pa sa ilang tanggapan nito.

Ito ay dahil sa utos na rin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Transportation Secretary Jaime Bautista na ayusin ang system glitch sa lahat sa LTO digital transactions.

Pero, limitado na lamang ito sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) dahil sa hirap ng internet.

“Ginagamit pa rin ‘yung lumang IT system para sa ganon ay diretso-diretso ang serbisyo. Hindi naman magmanu-mano ‘yan kasi hindi natin makontrol ‘yung datos, hindi na ma-proseso ng tama,” ani Mendoza.

“That’s account 3%, pinapalabas yata na may computer fees sa lahat. Hindi totoo ‘yan kahit pumunta ka pa sa district offices namin ngayon,” dagdag pa nito.

Ipinagtataka rin ni Mendoza kung bakit hindi man lang nakipag-usap sa kaniya ang mga nabanggit na grupo at dinaan pa ito sa isang advertisement.

Kaya hamon ng opisyal, maglabas na lang ng matibay na ebidensiya laban sa kaniya at handa naman aniya nitong harapin.

Tinawag din niyang demolition job ang paninira at pagpapasibak sa kaniya sa puwesto bilang hepe ng ahensiya.

“Madaling mag-resign kaso tinanggap ko itong trabaho to eh. Sabihin sa akin ni Presidente na wala, susunod lang ako kay Presidente. Marami pa tayong gustong gawin hindi tayo magpapadala sa ganyang mga strategy,” saad ni Mendoza.

Ang Federated Land Transport Organization of the Philippines (FELTOP) nanindigan na ilan sa kanilang mga miyembro ay sinisingil pa rin ng computer fees.

Partikular na tinukoy ni Jun Braga, spokesperson ng FELTOP na naniningil pa rin ng computer fees ang LTO district office sa Pasay at Quezon City.

“The government represented by the LTO ay mayroong kontrata between sa 3rd party na IT provider na mag-aayos ng computerization at utilization ng LTO which is the government ay nagbayad sa 3rd party IT provider which is that taxes ay coming from the tao. Ngayon, pababayarin mo ulit ‘yung tao?” ayon kay Jun Braga, Spokesperson, FELTOP.

“Ang P169 kung titingnan sa punto labista sa maliit lang pero dugtong na sa bituka ‘yan sa hirap ng panahon ngayon, ganon ka importante,” dagdag pa nito.

Hindi rin aniya pamemersonal ang kanilang ginawang pagsiwalat sa umano’y katiwalian ng hepe patungkol sa LTMS.

Handa nga anila nilang patunayan ang kanilang paratang laban sa opisyal at ito ay nakatakda nilang ilabas ngayong linggo sa pamamagitan ng isang press conference.

Pinaiimbestigahan na rin ni Transportation Secretary Jaime Bautista hinggil dito.

“Thus, I already required Asec. Mendoza to immediately submit his explanation & comments on the allegations, for our proper disposition & appropriate recommendation to the President, if necessary,” ayon naman kay Sec. Jaime Bautista, DOTr.

Si LTO Chief Mendoza naman handang magpaliwanag kay Bautista sa araw na ito, Pebrero 7, 2024.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble