DENR, dapat maging tinig para sa pangangalaga ng kalikasan –Sen. Alan Peter Cayetano

DENR, dapat maging tinig para sa pangangalaga ng kalikasan –Sen. Alan Peter Cayetano

HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano si Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga na maging tinig sa pagsusulong ng pangangalaga sa kalikasan sa Gabinete, kung saan aniya dapat parehong “offensive” at “defensive” ang papel ng kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

“I’d just like to encourage you to be the constant voice in the Cabinet of reminding the departments of their duty to protect the environment,” wika ni Cayetano kay Loyzaga sa isang manifestation sa pagpupulong ng Commission on Appointments (CA) Environment and Natural Resources Committee noong September 27, 2022.

Idiniin ni Cayetano na ang pagpoprotekta sa kalikasan ay dapat agenda ng buong pamahalaan at hindi lang responsibilidad ng DENR.

“Every single department we have will have to protect the environment (and) will have a role to play in protecting the environment. It’s God’s creation, and we are all stewards, so it’s not only you who’s the steward but all of us,” aniya.

Iniugnay ni Cayetano ang mga naging karanasan ng asawa ni Loyzaga at dating manlalaro ng Philippine Basketball Association (PBA) na si Chito Loyzaga, at sinabing dapat maging “offensive player” ang Environment Secretary sa pangangalaga ng kalikasan kasabay ng pagiging “defensive player” naman pagdating sa paglaban kontra katiwalian sa DENR.

Kinilala rin ng senador na magiging mahirap para sa kalihim ng DENR na balansehin ang tungkulin ng ahensya bilang pangunahing conservationist o bantay-kalikasan at bilang tagapamahala sa extractive industry sa bansa tulad ng pagmimina.

Gayunpaman, sinabi ng senador na ang pinakamahalagang tungkulin ng DENR ay ang proteksyon ng kalikasan at hindi ang pag-apruba ng mga permit upang gamitin ang mga likas na yaman ng bansa.

“Hindi rin ang trabaho ay magbigay ng permit o huwag magbigay ng permit, ang trabaho talaga is to protect the environment,” ani Cayetano.

Higit sa pamamahala sa likas na yaman ng bansa, iminungkahi ng senador ang pagbuo ng isang karugtong na ahensya ng DENR na katulad ng Environmental Protection Agency (EPA) sa Estados Unidos, na mas kayang kumilos laban sa mga industriya at korporasyon na sumisira sa kalikasan.

“Kung talagang destructive e ‘di destructive, kung talagang palpak e ‘di palpak, kung talagang dapat i-fine yan e di i-fine yan, kung dapat isara e di isara,” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter