AMINADO ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na malaking hamon pa rin ang patuloy na paglobo ng bilang ng mga plastik na basurang nakokolekta kada taon.
Ang Pilipinas daw ang isa sa mga bansa na may malaking ambag ng plastic waste sa buong mundo.
Sa katunayan, ikatlo ang Pilipinas sa mga bansa na may pinakamaraming plastik na basurang napupunta sa mga karagatan, kasunod ng China at Indonesia.
Sabi nga ng DENR, umaabot sa 3.5 kilo ng plastic waste ang napo-produce ng bawat Pilipino.
Katunayan, pumapalo pa rin sa 2.7 milyong metriko tonelada ng mga plastik na basura ang nakokolekta sa bansa kada taon.
Aminado ang ahensiya na hindi pa rin nababawasan ang naturang bilang dahil marami pa rin anilang mga Pilipino ang matitigas ang ulo at walang disiplina sa pagtatapon ng mga plastik na basura.
“Base sa EMB data namin ay nagra-range from 50,000 metric tons to 61,000 metric tons. So, ito ‘yung ginagawa nating figures and based on the World Bank and ADB study, about 12% to 24% of this generations are really comes from plastics,” saad ni Usec. Jonas Leones, Policy and Planning, DENR, Focal Person, National Plastic Action Partnership.
Sinabi rin ng DENR, malaking bahagi rin ng plastic waste ang napupunta sa mga landfill at dumpsite na may malawak na epekto sa kapaligiran, kalusugan ng tao at maging sa ating ekonomiya.
Bukod diyan, hamon din ng DENR ang ilang malalaking kompanya na gumagawa ng mga plastic sachet sa bansa.
Sa ilalim kasi ng Extended Producer Responsibility (EPR) Act, inoobliga ang mga kompanyang gumagawa, nag-i-import o nagbebenta ng mga produkto na may plastic packaging na magpatupad ng mga programa para sa pangangalaga at muling paggamit ng kanilang mga plastic waste.
Nasa halos 1,000 kompanya daw na gumagawa ng plastic packaging ang nakapag-rehistro at sumusunod sa mga alituntunin alinsunod sa EPR Law.
Nakikita ng DENR na daan-daang pang mga kompanya ang dapat sumunod batay sa nakasaad sa EPR Law—pero sa oras daw na hindi ito sumunod, hindi magdadalawang isip ang ahensiya na bawiin ang permit to operate ng mga ito.
“But, we are looking at after we have determined those industry that’s not really complying and refuse to comply despite the information, despite the notice and perhaps we are looking you know looking at how we can revoke the like for example the ECC, discharged permits. So, these are the permits issued by the Department,” wika ni Usec. Jonas Leones, Policy and Planning, Denr, Focal Person, National Plastic Action Partnership.