SA isang pagtitipon, isinagawa ng DENR National Capital Region ang mass signing ng Deed of Sale kaugnay sa Insular Government Property Sales Application (IGPSA) na may layuning mapabuti ang pamamahagi at paggamit ng mga lupa ng gobyerno.
Ang IGPSA ay isang proseso sa DENR kung saan inililipat ang mga lupa mula ng gobyerno patungo sa mga lehitimong may-ari o aplikante. Sa pamamagitan nang nasabing aktibidad, pinagtibay ang mga kasunduan ng mga aplikante na may karapatang magmay-ari ng mga nasabing lupaing pag-aari ng gobyerno. Ang aktibidad ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng DENR na gawing legal at makatarungan ang pamamahagi ng mga pampublikong lupa.
Pinangunahan ng mga opisyal ng DENR-NCR ang nasabing seremonya, sa pamumuno ni OIC Assistant Regional Director for Technical Services, Engr. Henry P. Pacis, kung saan dumalo ang dalawampung (20) vendees. Dagdag dito, noong Disyembre 11, ay 26 na vendees din ang pumirma ng kani-kanilang deed of sale para sa unang pangkat para sa mass signing. Ipinagdiwang ng DENR ang matagumpay na hakbang na ito bilang simbolo ng transparency at epektibong administrasyon sa pangangalaga ng kalikasan at mga likas na yaman ng bansa, partikular na sa Metro Manila.
Ayon kay Pacis,
“Ang Mass Signing ng Deed of Sale ay isang mahalagang hakbang upang matulungan ang mga aplikante na magkaroon ng lehitimong pamamahala sa mga lupaing naipagbili sa ilalim ng IGPSA. Kami ay patuloy na magsusulong ng mga proyektong tulad nito upang matiyak ang tapat na pamamahagi ng mga lupa at makapagbigay ng benepisyo sa mga mamamayan.”
Ang DENR-NCR ay nagpapatuloy sa pagsusulong ng makatarungang pamamahagi ng mga insular government properties upang mapabuti ang pag-access ng mga mamamayan sa mga lupaing kanilang makikinabangan, kasabay ng pangangalaga sa kalikasan at ang mga prinsipyo ng good governance.
Editor’s Note: This article has been sourced from the DENR National Capital Region Philippines Facebook Page.