DENR-NCR, namigay ng mga puno sa kanilang ‘Community Pan-Tree’

KASABAY ng pag-usbong ng ilang community pantry sa buong bansa ay nagtayo rin ng sariling Community Pan-Tree ang Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Pero hindi mga pagkain ang ibinigay kundi mga seedlings ng mga bungang-kahoy.

Katulad na ilang community pantry, nagsagawa ng sariling bersyon na ‘Community Pan-Tree’ ang DENR-National Capital Region (DENR-NCR) para sa mga nangangailangang kababayan.

Sa halip na mga gulay, bigas, noodles, delata at iba pang pagkain ay mga punong kahoy, binhi ng prutas at mga gulay naman ang pinamimigay ng ahensya sa kanilang Community Pan-Tree.

Ayon sa ahensya, ang nasabing proyekto ay inilunsad upang patatagin ang urban greening at backyard gardening sa NCR at maging sa karatig na lalawigan.

Dagdag dito ay upang matugunan rin ang isyu sa food security at public health sa rehiyon sa gitna ng kinahaharap na COVID-19 pandemic at global warming.

Ang nasabing Pan-Tree ay may slogan na “Magtanim ayon sa kakayanan. Umani ayon sa pangangailangan.”

Bukas ang community pan-tree ng DENR ngayong araw ng Martes at Huwebes mula 9:00 ng umaga hanggang 3:00 ng hapon sa DENR-NCR Technical Services Office.

Bawat indibidwal ay maaaring kumuha ng 5 fruit bearing trees gaya ng atis, abokado, bayabas, bignay, guyabano, chico, marang and lipote at 10 vegetable seedlings gaya ng talong, kamatis, at iba pang gulay.

Para naman sa mga nasa malalayong lugar, ilulunsad din ng DENR-NCR ang rolling Community Pan-Tree para puntahan ang komunidad at hindi na kinakailangan pa nilang lumabas.

(BASAHIN: Bahay-bahay na pamamahagi ng ayuda mula sa community pantry, suportado ng PNP)

SMNI NEWS