DENR NCR sinimulan ang monitoring ng mga pananim sa ilalim ng Urban Greening Initiative

DENR NCR sinimulan ang monitoring ng mga pananim sa ilalim ng Urban Greening Initiative

BILANG bahagi ng Urban Greening Initiative ng DENR National Capital Region, inumpisahan na ng Conservation and Development Division (CDD), sa pangunguna ng Production Forest Management Section (PFMS), ang masusing monitoring ng mga pananim at punla na ipinamahagi ng tanggapan sa mga paaralan, lokal na pamahalaan at mga organisasyon sa buong Metro Manila.

Ang layunin ng monitoring na ito ay tiyakin ang kalusugan at paglago ng mga punla at pananim na ipinamigay sa mga benepisyaryo bilang bahagi ng programa ng DENR upang mapalawak ang mga green spaces at itaguyod ang tamang pangangalaga sa kalikasan sa urban areas.

Ang mga punla na ipinamahagi ay bahagi ng mga hakbang upang mapabuti ang kalidad ng hangin, magbigay ng lilim at proteksyon sa mga komunidad, at mapalakas ang kamalayan tungkol sa kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan sa mga urbanisadong lugar.

Sa kasalukuyan, ilan sa mga paaralan sa mga lungsod ng Quezon, Caloocan, at Pasig ang tinungo ng mga kawani ng PFMS upang isagawa ang nasabing aktibidad, kasama rito ang San Joaquin Elementary School, Dr. Sixto Antonio Elementary School, Claret School of Quezon City, Camarin High School, San Antonio Elementary School, North Fairview High School at Quezon City High School.

Ang pagbibigay ng technical assistance tulad ng pamamahagi ng mga libreng binhi sa mga nabanggit na organisasyon, ay ilan lang sa mga pangunahing proyekto ng DENR-NCR upang hikayatin ang iba’t ibang mga institusyon na makipag-ugnayan sa tanggapan at suportahan ang pangangalaga at pagpapayabong ng mga green spaces sa Metro Manila.

Ang DENR-NCR ay patuloy na nagsusulong ng mga inisyatibo na magpapalaganap ng mga proyektong pangkalikasan upang mapanatili at mapabuti ang mga green spaces sa buong rehiyon, at ang Urban Greening Initiative ay isang hakbang patungo sa isang mas malinis, mas luntiang, at mas sustainable na kapaligiran.

Nakatakda namang bisitahin ng grupo sa susunod na buwan ang iba pang mga urban green space na nasasakupan ng paaralan, lokal na pamahalaan at mga organisasyon sa NCR.

 

Editor’s Note: This article has been sourced from the DENR National Capital Region Facebook Page.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble