SA pagharap ng Department of National Defense (DND) sa Kamara kamakailan para idipensa ang kanilang budget sa 2023, ay natanong ang ahensiya sa isyu ng Anti-Subversion Law.
Ibinasura ang Anti-Subversion Law noong September 22, 1992 bilang bahagi ng peace talks sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army at National Democratic Front of the Philippines.
Dahil dito, naging legal ang CPP at lumawak lalo ang recruitment ng makakaliwa.
Kung maibabalik ang Anti-Subversion Law, tatamaan nang malaki ang mga komunista.
Kung maibabalik ito sa pinakahuling bersyon, maaaring ipakulong ang sinumang makikipag-ugnayan, magiging miyembro o mananatiling miyembro ng anumang “subersibong asosasyon o organisasyon.”
Ang DND, suportado ang panukala lalo na sa pagbuo nito.
“We are aware of this bill Madam Chair. Your honor and we will support by using or we have our lawyers to craft give advice on the working group that will be organized by, if there will be hearings on that matter your honor,” pahayag ni Senior Usec. Jose Faustino Jr.-OIC, DND.
Aabot sa 20-12 taong pagkakabilanggo ang kakaharapin ng mga tatamaan ng Anti-Subversion Law.
Makalabas man ng kulungan, tatanggalan sila habambuhay ng karapatang maluklok sa pamahalaan at makaboto.
Para sa mga muling mako-convict, papatawan ang nagkasala ng 20 taon at isang araw na pagkakakulong hanggang 40 taong pagkakakulong o reclusion perpetua.
Pauuwiin naman sa kanilang bansa ang mga banyagang mahuhuli dito sa bansa.
Makukulong din ang iba pang mapapatunayang kasabwat ng mga grupo na layong pabagsakin ang gobyerno.
Sa kasalukuyan, si Duterte Youth Party-list Rep. Drixie Marie Cardema ang naghain ng panukala para ibalik ang Anti-Subversion Law.
“Nais ko po sanang kunin ang technical support ng DND at AFP sa panukalang batas ng Duterte Youth Partylist dito sa Kongreso. Ang House Bill 4324 or the Act to Outlaw the CPP-NPA-NDF and all organizations supporting them in their recruitment, operations, and financial transactions,” ayon kay Cardema.
Sa ngayon nasa committee level pa ang panukala ni Cardema ngunit ang mga former rebel, suportado ang pagbabalik ng Anti-Subversion Law sa bansa.